PAGBIBITIW SA PNP PINANGUNAHAN NI AZURIN

NAGSUMITE kahapon ng kanyang courtesy resignation si Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr.

Sinabayan naman ito ng kanyang command group na kinabibilangan nina PLt. Gen Rhodel Sermonia, Deputy Chief for Administration at PLt. Gen Benjamin Santos, Deputy Chief for Operations.

Tugon ito sa panawagan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr., na magsumite ng courtesy resignation ang mga full pledged colonel at general ng PNP.

Muling nagpahayag ng suporta si Azurin sa hakbang ni Abalos na linisin ang hanay ng PNP laban sa mga sangkot sa ilegal na droga partikular na ang 3rd level officials.

Aniya, isa itong moral challenge para maibalik ang moral ascendancy ng PNP.

Una nang sinabi ni Gen. Azurin na nasa 956 full pledged colonel at generals ang kabuuang bilang ng maapektuhan ng apela ni Sec. Abalos na paghahain ng courtesy resignation.

Ayon naman kay PNP – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Police Brig. General Ronald Lee, bilang isang officer and a gentleman, tinatanggap niya ang hamon ng kalihim na maghain ng courtesy resignation.

Patunay umano ito na malinis ang kanyang konsensya at hindi siya natatakot sa hamong magbitiw sa pwesto dahil nasisiguro niya na hindi siya sangkot sa ilegal na droga.

Tatalima rin aniya ang mga opisyal ng CIDG sa panawagan ni Gen. Azurin na suportahan ang hakbang ni Abalos para linisin ang hanay ng PNP.

Maging si PNP-NCRPO Director Jonnel Estomo ay nagpahayag ng kahandaang tumalima sa panawagan ng DILG kabilang ang kanyang mga tauhan.

Samantala, sinabi ni PNP- Public Information Office chief PCol. Redrico Maranan, na hindi magtatapos ang paglilinis ng buong hanay ng kapulisan sa pagsusumite ng courtesy resignation ng lahat ng full-pledged colonel at generals nito.

Pagkatapos kasi aniya ng mga ito ay sunod namang hihingan ang pagbibitiw rin ng mga 2nd level officer mula sa lieutenant colonel pababa hanggang non-commissioned officers.

Kaugnay nito, handa ring maghain ng courtesy resignation si Manila Police District (MPD) Director P/Brig. Gen. Andre Dizon bilang pagsunod sa panawagan ni Abalos.

Sa pahayag ni Dizon, ito ang napagkasunduan ng mga heneral at colonels sa ginanap na “command conference” kahapon sa PNP National Headquarters sa Camp Crame.

Suportado umano nila ang layunin na masala ang kanilang hanay at matukoy talaga kung sino ang mga sangkot o protektor ng ilegal na droga sa PNP.

Habang nakahain aniya ang resignation, maaari pa rin nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin.

Ngunit hindi rin itinanggi ni Dizon na bahagyang nagkaroon ng “low morale” sa kanila ang naturang pangyayari.

“Iyong organization ng PNP at ang pamilya kasi ang apektado dito eh,” ayon sa heneral.

Umaasa naman sila na magiging patas ang magiging assessment sa kanila ng bubuuing komite na sasala sa kanilang trabaho.

Wala namang ibinigay na eksaktong petsa kung kailan magsusumite ng courtesy resignation si Dizon dahil abala pa ito sa paghahanda para sa selebrasyon ng Pista ng Itim na Nazareno. (JESSE KABEL RUIZ/RENE CRISOSTOMO)

76

Related posts

Leave a Comment