DINEPENSAHAN ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagbili ng pamahalaan ng G280 Gulfstream aircraft na nagkakahalaga ng P2 billion.
Sinabi ni Lorenzana na hindi gagawing presidential plane ang bagong biling G280 aircraft para sa Philippine Air Force (PAF).
“Let me emphasize that we do not consider the G280 as a luxury aircraft, but a necessary component of the AFP modernization program for command and control of our Armed Forces on air, land, and sea, “ paunang pahayag Lorenzana.
Ayon sa kalihim binili ang nasabing eroplano na ni-reconfigure bilang isang command and control air craft para higit pang malinang ang technological capabilities ng hukbong panghimpapawid.
Lubha umanong mahalaga ang gamit ng nasabing eroplano para sa 24/7 real-time command and control, lalo na sa panahon ng krisis.
“The Gulfstream G280 acquisition is part of our efforts to modernize the Armed Forces of the Philippines. It will be operated in consonance with other command and control platforms that we currently have, and those we plan to acquire in the future,” paliwanag pa ng kalihim.
Magagamit din umano ito sa mga mercy flights para maghatid ng mga sugatang sundalo at mga malubhang sibilyan na may sakit para sa agarang medical evacuation.
Ito ang binigyang-linaw ni Lorenzana matapos ang kaliwat kanang batikos mula sa mga netizen.
Giit ng kalihim, matagal nang nakalatag sa AFP Modernization Program na naglalayong palakasin ang kakayahan ng Hukbong Panghimpapawid ng bansa sa mga makabagong kagamitan.
Una na aniyang binigyang-linaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya nais bumili ng bagong eroplano para lang sa kanyang sariling gamit kundi ito’y para sa Command and Control ng AFP.
168