Pagbusisi sa smuggling tiniklop KAMARA NA-PRESSURE KAY MARTIN ARANETA?

(BERNARD TAGUINOD)

DUDA ang isang opposition solon sa Kamara na itiniklop ang pagdinig sa smuggling dahil mabubulgar ang koneksyon ng kapatid ni First Lady Liza Araneta Marcos sa isang pinangalanang smuggler na si Michael Ma.

Sa press conference ng Makabayan bloc kahapon, sinabi ni House deputy minority leader France Castro na posibleng may katotohanan ang rebelasyon ng kolumnistang si Mon Tulfo na si Martin Araneta ay business partner ni Ma.

“Tingin natin baka may katotohanan ‘yung rebelasyon ni Mon Tulfo dahil may related dyan sa ginaganap na Committee hearing ng Committee on ways and means. Kung matatandaan natin ne-reveal ni Congressman Horacio Suansing ‘yung 10 smugglers na nandun. Isa si Michael Ma [na] binanggit dyan,” ani Castro.

“Kaya siguro hindi ipinatuloy pa yung hearing sa House resolution ni Congressman Suansing dahil mabubulgar itong relasyon ng kapatid ni First Lady sa kinilalang smuggler (Michael Ma),” dagdag pa ng mambabatas.

Unang itinakda ng nasabing komite na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda noong Enero 30 ang ikalawang pagdinig sa smuggling activities subalit sa hindi malamang kadahilanan ay kinansela ito at hindi pa nagtatakda kung kailan itutuloy.

Hindi pa nagbibigay ng komento si Salceda kung bakit hindi nito itinuloy ang pagdinig.

Sa unang pagdinig ng komite, hiniling ni Suansing sa komite na ipa-subpoena ang mga smuggler na kinabibilangan ni Ma na ayon kay Tulfo ay presidente ng China-Philippine United Enterprises (CPUE) kung saan vice president ang kapatid ng Unang Ginang.

“Dapat nagtuloy-tuloy din ang committee hearing at makita natin talaga kung anong relasyon ng dalawa (Araneta at Ma) dahil malaki ang epekto nito sa ekonomiya ng bansa,” ayon pa kay Castro.

Idinagdag pa ng mambabatas na kailangang panagutin ang mga ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung seryoso itong maproteksyunan ang mga lokal na magsasaka sa bansa.

Sa panig naman ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, nakabibingi aniya ang katahimikan ng Pangulo sa usapin ng smuggling sa bansa na sumisira sa kanyang administrasyon.

“Ano ang kanyang masasabi sa ganung mga rebelasyon o sa mga umiikot na usap-usapan,” ayon pa kay Manuel.

222

Related posts

Leave a Comment