PAGCOR pinakakanta PADRINO NG BAMBAN AT PORAC POGOs PANGALANAN

(BERNARD TAGUINOD)

HINAMON ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang pangalanan ang dating Cabinet member na naglalakad sa lisensya ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na niraid sa Tarlac at Pampanga.

Ayon kay House committee on dangerous drugs chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, hindi dapat hayaan na hindi mapanagot ang dating miyembro ng Gabinete na ito dahil inilalagay nito sa panganib ang seguridad ng bansa.

“Dapat pangalanan na ng PAGCOR ang mga opisyal na pilit lumalakad para mabigyan ng lisensya ang POGO sa Bamban Tarlac at Pampanga at magkaroon ng malalim na imbestigasyon tungkol dito dahil kapakanan na ng seguridad ng bansa ang gustong ibenta ng dating cabinet member,” ani Barbers.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil noong Sabado, isiniwalat ni PAGCOR Chief Alejandro Tengco na isang dating Gabinete ang naglalakad umano sa lisensya ng Zun Yuan Technology Inc. sa Bamban, Tarlac at Lucky South 99 Corp. sa Porac, Pampanga.

Ang dalawang nabanggit na POGO ay ni-raid ng mga otoridad matapos matuklasan na maraming katiwalian ang nangyayari tulad ng human trafficking, torture, prostitusyon, scamming, hacking, money laundering at iba pang krimen bukod sa walang lisensya ang mga ito.

Hindi na ikinagulat ni Barbers ang isiniwalat ni Tengco dahil hindi umano maglalakas-loob ang mga POGO na mag-operate at labagin ang batas ng Pilipinas kung walang matinding koneksyon ang mga ito sa gobyerno.

“Dapat din tingnan at kasuhan ang lahat ng pumirma sa mga dokumento na nagbigay ng permiso na sila ay makapag patayo ng building, o di kaya tingnan ang lahat na iligal na empleyado na mga intsik na walang sapat na papel na sila ay pwede magtrabaho at manatili sa Pilipinas,” mungkahi pa ni Barbers.

Kaugnay nito, suportado ni Porac, Pampanga Mayor Jaime “Jing” Capil ang panawagan nina Senators Risa Hontiveros at Sherwin Gatchalian para sa total ban ng Internet Gaming Licensees (IGLs) o POGO.

Ito’y sa gitna ng batikos na inabot ng alkalde dahil sa kabiguang sugpuin ang illegal na POGO na sinalakay kamakailan sa kanyang bayan.

Naninindigan ang alkalde na “ang Porac LGU ay walang kapangyarihan na mag-inspeksyon o mag-imbestiga sa mga komersyal na establisimyento.”

Aniya, dapat ay kumuha ang PNP ng search warrant kung may kutob ang mga ito noon pa na may ilegal na nangyayari sa POGO hub sa Porac. (May dagdag na ulat si ELOISA SILVERIO)

46

Related posts

Leave a Comment