PAGDINIG NG KONGRESO KAY TEVES ILEGAL!

MATAPOS na mapaso ang ikalawang 60 days suspension ni Negros Oriental 3rd district Congressman Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. ay dumulog ang kanyang legal team sa mababang kapulungan ng Kongreso upang ipatigil ang ginagawa nitong proceedings.

Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, dapat nang itigil ang pagdinig ng committee on ethics and privileges laban kay Teves dahil batay aniya sa kanilang rule, kapag ang kasong kanilang iniimbestigahan ay nakabinbin na sa korte o kaya ay sa investigative body ay dapat nang igalang ito at ipaubaya sa anomang magiging desisyon ng korte sa kaso.

Hindi rin maaaring mahatulan ang isang mambabatas hangga’t wala pang desisyon ang hukuman at hindi pa napatutunayan ang mga akusasyon laban dito upang maiwasan na mapangunahan ang gagawing pag-aaral ng korte at magkamali laban dito.

Umapela rin ang legal team ng kongresista sa Anti-Terrorism Council na alisin sa listahan bilang terorista si Teves. Giit ni Topacio, pawang mga akusasyon pa lamang at walang matibay na ebidensya na magpapatunay upang ihalintulad ang mambabatas sa mga teroristang grupo na naghahasik ng takot at kaguluhan sa bansa.

Ang ginagawang panggigipit umano ng gobyerno kay Teves ay hindi magandang halimbawa para magamit ang ilang ahensya ng pamahalaan na lalong mapasama sa mata ng taumbayan ang kongresista bilang paghihiganti sa matapang nitong pakikipaglaban sa mga tiwali sa gobyerno.

Pinaniniwalaang napipilitan lang ang ilang mambabatas na bilisan ang kanilang pagdinig laban kay Teves upang mapatalsik ito bilang kongresista dahil ‘tinik’ ito sa lalamunan ng kasalukuyang administrasyon.

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

275

Related posts

Leave a Comment