PAGGAMIT NG INTEL FUND NG ILANG AHENSYA KINUWESTYON

KINUMPIRMA ni Shiela Leal Guo nang humarap sa Senado ang kanilang pagtakas ng bansa kasama si dismissed Bamban Mayor Alice Guo at Wesley Guo patungo sa Malaysia sa pagpatuloy ng pagdinig na pinangunahan ni Senator Risa Hontiveros, committee chairman kasama sina Senator Win Gatchalian at Minority Leader Aquilino Koko Pimentel. (DANNY BACOLOD)

KINUWESTYON ni Senador Sherwin Gatchalian ang paggamit ng intelligence fund ng mga ahensya sa gitna ng misteryo ng pagtakas ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Sa pag-arangkada ng pagdinig ng Senado sa pagtakas ni Guo, binigyang-diin ni Gatchalian na milyun-milyong piso ang intelligence fund ng mga ahensya ng gobyerno na dapat ay nagamit sa pagtugis sa mga pugante sa bansa.

Tinukoy ng senador ang P20 million na intelligence fund sa Bureau of Immigration, P175 million sa NBI, at P906 million sa PNP.

Sa laki aniya ng intel fund na ito dapat ay naalerto na ang intelligence assets subalit hanggang ngayon ay misteryo ang pag-alis ni Guo.

Samantala sa pagdinig, isa-isang tinanong ni Senador Risa Hontiveros ang mga ahensya ng gobyerno kung kailan nila nalaman na umalis na ng bansa ang grupo ni Alice.

Sa lahat ng ahensyang nasa pagdinig, ang Bureau of Immigration (BI) lamang ang umamin na nalaman nila ang impormasyon apat na araw bago pa nag-privilege speech si Hontiveros.

Sinabi ni Immigration chief Norman Tansingco na nalaman na nila ang impormasyon noon pang August 15 saka sila nagsagawa ng balidasyon sa mga impormasyon.

Subalit, inamin ni Tansingco na hindi nila agad naireport sa DOJ ang kanilang impormasyon dahil nagsagawa pa sila ng beripikasyon. (DANG SAMSON-GARCIA)

40

Related posts

Leave a Comment