PAGKAKASANGKOT NG MGA BANGKO SA POGO PINABUBUSISI

ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang isang resolusyon na naglalayong imbestigahan ang posibleng pagkakasangkot ng mga bangko sa pagpapatayo ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Sa kanyang Senate Resolution 1193, sinabi ni Gatchalian na dapat magkaroon ng pagsisiyasat sa mga kahina-hinalang transaksyon sa mga bangko na may kinalaman sa POGO at kabiguan na masita at matukoy ang mga ito.

Ayon kay Gatchalian, ang nakaraang mga pagsisiyasat ng Senado sa POGO-related activities ay nagsiwalat ng mga transaksyon sa bangko na kinasasangkutan ng mga kumpanyang pag-aari ni Guo Hua Ping o Alice Guo, na nagkakahalaga ng daan-daang milyong piso.

Ito ang nagbigay-daan sa pagtatayo at pagtatatag ng POGO hub sa Bamban.

Ang malaking halagang nabanggit ay hindi katumbas o higit pa sa kakayahan o financial capacity ng mga kumpanya na nakasaad sa kanilang mga financial statement.

Sinabi ni Gatchalian sa resolusyon na ang pagdaloy ng pera, mga disbursement ng tseke, at ilang mga transaksyon na kinasasangkutan ng mga nasabing Guo account ay pinakamataas noong 2020 na lubhang hindi pangkaraniwan kasunod ng pagtama ng COVID-19.

Ipinaalala ng mambabatas na nananatili ang Pilipinas sa gray list ng Financial Action Task Force, at kailangang paghusayin ng ating bansa ang mga aktibidad nito laban sa money laundering at counter-terrorism financing.

Pagdinig Sa Pogo
Tatapusin na

Samantala, tatapusin na sa susunod na linggo ang pagdinig ng Senate committee on Women, children, family relations and gender equality kaugnayan sa ilegal na POGO operations.

Ayon kay Senator Risa Hontiveros, muli silang magsasagawa ng pagdinig sa susunod na Martes, Sept. 24, at posibleng ito na ang pagsasara ng hearing.

Isa anya sa tumagal na imbestigasyon ang isyu ukol sa mga illegal na POGO sa Bamban Tarlac at Porac Pampanga kung saan aabot na sa pang-14 na hearing sa susunod na linggo.

Kaya malamang anya makapal ang kanilang magiging committee report ukol sa illegal POGO na kinasasangkutan ni dismissed Mayor Alice Guo.

Samantala, kung si Senate Minority Leader Koko Pimentel ang tatanungin, maituturing pang nasa lebel pa lamang ng pagiging tsismis ang isiniwalat ni retired general Raul Villanueva ng PAGCOR na mayroong isang dating hepe ng Philippine National Police ang nasa monthly payroll ng POGO.

Sinabi ni Pimentel na narinig niya ang naging pahayag ni Villanueva na patuloy pa rin anyang bineberipika ng intelligence community at wala pa ring tinukoy na pangalan.

Kaya sa ngayon ay ayaw munang patulan ng senador ang usapin na maituturing na tsismis pa lang. (DANG SAMSON-GARCIA)

48

Related posts

Leave a Comment