Pagkakataong pumili ng lider, ‘wag sayangin GO OUT AND VOTE!

HINIKAYAT ng Malakanyang ang lahat ng rehistradong botante na gamitin ang halalan ngayong araw, Mayo 9 para pumili ng susunod na “set of leaders”.

Sinabi ni Presidential Communications Secretary at Acting Presidential Spokesperson Sec. Martin M. Andanar na kailangan piliin ng mga ito ang kandidato na ang iniisip ay interes ng bansa at kapakanan ng mamamayang Pilipino at hindi ang pansarili lamang.

“Isa na naman itong patunay ng lakas ng ating demokrasya at katatagan ng ating Republika,” ayon kay Andanar.

Pinayuhan din niya ang mga botante na maagang pumunta sa mga presinto at bumoto ng mga kandidatong napupusuan habang patuloy na sinusunod ang pinaiiral na health and safety protocols.
“Mabuhay ang Pilipinas. Mabuhay ang mamamayang Pilipino,” ayon kay Andanar.

Boto ‘wag sayangin

Umapela naman si Quezon City mayoral candidate Mike Defensor sa sambayanang Pilipino na huwag sayangin ang pagkakataon na pumili ng kanilang mga susunod na lider kaya dapat lumabas ang mga ito at bumoto.

“We implore all registered voters to go out and cast their ballots on Monday (ngayong araw). We all should exercise our right to elect our leaders – from the president all the way down to councilors,” ani Defensor.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil tuwing halalan ay maraming botante ang hindi bumuboto kaya karaniwang hindi nangyayari ang 100 percent na turnout o bilang ng mga aktwal na botante.

Noong 2016 presidential election na pinanalunan ni outgoing President Rodrigo Duterte, 80.69 percent lamang sa registered voters ang bumoto.

Dahil dito, 44,549,848 lamang ang bumoto noong 2016 gayung 54,363,844 ang rehistradong botante sa nabanggit na halalan o umaabot sa 9,813,966 ang hindi bumoto.

“People should not surrender their right to vote. Those who abstain from voting will in effect be enabling others – those who will actually cast their ballots – to decide for them,” ayon pa kay Defensor.

Si Defensor ang lider ng Malayang Quezon City ay suportado nina presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential candidate Sara “Inday” Duterte, kasama ang kanyang buong team.

Maging si dating House Speaker Alan Peter Cayetano ay nanawagan sa mga Pilipino na huwag sayangin ang pagkakataong ito at iwasang isipin na “isang boto” lamang sila kaya hindi na sila boboto.

“Never, never nating isipin na isa lang ang boto natin it’s not important. It’s always important,” pahayag ng mambabatas.

Boto huwag ibenta

Pinaalalahanan naman ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang mga botanteng Pilipino na huwag ibenta ang kanilang boto o iboto ang isang kandidato kapalit ng pera.

Sa isang Facebook post, sinabi ng PACC sa mga botante na pumili ng kandidato na mayroong magandang track record at plataporma.

“(The) PACC urges everyone to refrain from selling your votes and vote in accordance with one’s conscience and preference, based on the candidate’s platform and dedication to lead this country to a better future,” ang makikita sa Facebook.

Tinuran ng komisyon na ang vote-buying at vote-selling ay ipinagbabawal sa ilalim ng Batasang Pambansa 881 o Omnibus Election Code (OEC).

Idinagdag pa ng komisyon na ang guilty party, base sa OEC, ay mahaharap sa diskwalipikasyon na humawak ng anomang public office at pagkakaitan ng right of suffrage.

Ang dayuhan naman na mapatutunayang guilty ng election offense ay “subject to deportation” na ipatutupad matapos niyang mapagsilbihan ang kanyang prison term.

Ang anomang political party na nakagawa ng election offense ay papatawan ng multa ng hindi lalagpas sa P10,000.

Ang sanction o parusa ay ipapataw matapos na ang criminal action ay naisampa laban sa corresponding officials ng partido na mapatutunayang guilty.

Samantala, magtatatag naman ang Commission on Elections (Comelec) ng Citizen Complaint Center na magsisilbi bilang communication channel para sa mamamayan na magre-report ng mga insidente ng vote-buying at vote-selling na personal nilang nasaksihan.

Ang mga reklamo ay maaaring ihain nang personal o sa pamamagitan ng official e-mail addresses ng local field offices, Law Department ng komisyon o tanggapan sa mga lalawigan, lungsod at municipal prosecutors. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

91

Related posts

Leave a Comment