PAGKAMATAY NG 24 MIYEMBRO NG ISANG TRIBO PINABUBUSISI SA SENADO

PINAIIMBESTIGAHAN ni Senador Robin Padilla sa Senado ang pagkamatay ng 24 miyembro ng tribong Teduray dahil sa pagguho ng lupa dulot ng Bagyong Paeng.

Sa gitna ito ng ulat mula sa Datu Odin Sinsuat na sapilitang ilipat ang mga Teduray sa paanan ng bundok Minandar sa Maguindanao del Norte na isang landslide prone area.

Sa inihaing Senate Resolution 280, iginiit ni Padilla na dapat malaman ang katotohanan sa likod ng ulat na nasawi ang 24 at nasaktan ang higit 30 miyembro ng tribo na sapilitang ni-relocate sa paanan ng Mt. Minandar.

Gayundin, malaman kung bakit hindi naprotektahan ang mga Teduray sa karapatan nila sa kanilang ninunong lupain o ancestral domain.

Nais din malaman ni Padilla kung sino ang may kapabayaan sa pagtiyak sa karapatan ng mga katutubo na manatilo sa kanilang ninunong lupain–kung ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) o Ministry of Indigenous People Affairs ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Binanggit ni Padilla sa kanyang resolusyon ang ulat na 127 mula sa 300 pamilyang apektado ng sapilitang relokasyon ang nagpetisyon sa National Commission on Indigenous Peoples laban sa paglipat sa kanila, nguni’t hindi tumugon ang ahensya.

Iginiit din ni Padilla na kailangan suriin at repasuhin ang Indigenous Peoples’ Right Act para malaman kung may dapat amyendahan sa probisyon nito. (DANG SAMSON-GARCIA)

23

Related posts

Leave a Comment