PAGKLASIPIKA NG COVID-19 ALERT LEVEL, IPAUBAYA SA LGUs

INIHAYAG ni senatorial candidate at Sorsogon Gov. Chiz Escudero na dapat ipagkatiwala na lamang sa local government units (LGUs) ang pagklasipika ng alert level sa kani-kanilang nasasakupan dahil mas sila naman ang nakakaalam sa totoong sitwasyon sa mga lugar nila.

Sa isang panayam sa CNN Philippines noong Martes, sinabi ni Escudero na ibinigay na dapat noon pa ng Department of Health ang tungkuling ito sa LGUs kaysa ginawa ang nangyayaring kalakaran na ang Inter-Agency Task Force ang nagtatakda kung ano ang COVID-19 alert level sa mga lugar sa bansa.

“Mas ninanais ko na ibigay na lamang sa mga lokal na pamahalaan, munisipyo, siyudad o probinsiya man ang kapangyarihang idetermina at sabihin kung ano nga ba ang alert level na mananaig sa kani-kanilang lokalidad,” ani Escudero na ang kanyang pinamamahalaang probinsiya ng Sorsogon ay naging Alert Level 1 na simula ngayong Marso, kabilang ng Metro Manila at 36 pang lugar sa bansa.

“Malamang mas alam ng mga local chief executives kung ano ang sitwasyon talaga sa nagpasya para sa amin kaugnay niyan,” dagdag ni Escudero na kumakandidato para sa bagong anim na taong termino sa Senado ngayong Halalan 2022.

Binigyang-diin ng gobernador na ang Sorsogon, na naka-Alert Level 2 sa loob ng mahabang panahon, ay dapat na nasa mas maluwag na klasipikasyon dahil kakaunti lamang naman ang mga impeksiyon dito. Kahit sa kasagsagan ng pandemya, walang COVID-19 sa mahigit 50% ng mga barangay ng probinsiya, dagdag niya.

Sa parehong programa, sinabi ni Escudero na habang nakabimbin pa ang pag-aksiyon sa kanyang ipinapanukula, puwedeng gawin na muna ng pambansang gobyerno ang klasipikasyon ng alert levels kada probinsiya kung saan kanyang ipinunto ang pagkakaiba ng dami ng mga kaso ng COVID-19 sa iba’t ibang lalawigan.

Kung ibinabase ang pagklasipika sa National Capital Region sa rekomendasyon ng Metro Manila Council na binubuo ng 17 alkalde, dapat din aniyang tingnan na magkakaiba ang sitwasyon sa bawat probinsiya.

“Sa NCR, dinideklara nila bilang isang lugar, at kami sa Bicol region dinideklara rin nila kami ng alert level bilang isang rehiyon. Napakababa na ng kaso namin sa Sorsogon habang mataas ang kaso sa iba. Hihintayin namin at kailangan naming sumabay sa aming rehiyon,” paglalahad niya.

“Sana pagdating naman sa mga probinsya, kada probinsya sana dapat ang assessment dahil hindi naman tulad ng NCR na tumawid ka lang ng kalye ay nasa San Juan ka na o tumawid ka lang ng kalye nasa Mandaluyong ka na o nasa Quezon City ka na. May mekanismo naman para diyan tulad ng Metro Manila Council na binubuo ng mga mayors na puwede nilang pagpasyahan ang NCR,” aniya. (ESTONG REYES)

69

Related posts

Leave a Comment