ITINUTURING ni Senador Christopher Bong Go na bahagi ng pamumulitika ang pinakabagong alegasyon laban sa kanya kaugnay sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon at ng POGO operations.
Sinabi ni Go na walang kinalaman ang POGO sa inilunsad na drug war ng nakaraang administrasyon kasabay ng paggiit na mayroon lamang iilan na pilit na pinag-uugnay ang mga ito.
Naniniwala ang senador na bahagi na naman ito ng sarsuelang niluluto ng ilan upang mamulitika at manira at pilit na nag-iimbento ng istorya na lilinya sa kanilang kwento upang anya’y pinturahan sila ng itim at ang mga kalaban ang pumuti.
Binigyang-diin ni Go na si Jovie Espenido na mismo ang umamin noong hearing sa Kamara na wala siyang direktang impormasyon o ebidensya na makapagsasabi na may kaugnayan ang senador sa anumang POGO-drug war links.
Iginiit pa ng senador na kahit noong siya pa ang Special Assistant to the President ay hindi siya humawak ng anumang pondo para sa drug war at mula sa POGO.
Katunayan siya mismo anya na Vice Chair ng Senate Committee on Public Order ay nagsabi na noon pa na tutol siya sa POGO lalo na kung nakakasama ito sa peace and order ng bansa.
Iisa lang anya ang layunin ng laban sa droga: ito ay upang proteksyunan ang buhay at kinabukasan ng ating mga anak.(Dang Samson-Garcia)
61