(NI NOEL ABUEL / Photo by DANNY BACOLOD)
NANGANGANIB na tuluyan nang maipagpaliban ang nakatakdang barangay at Sangguniang Kabataan elections sa 2020.
Sinabi ito ni Senador Imee Marcos, sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation joint with Local Government and Finance, kung saan nagkasundo umano ang mga miyembro nito na ipagpaliban sa ibang taon ang eleksyon ng barangay at SK at tanging ang pinatatalunan na lamang ay ang petsa kung kailan ito isasagawa.
“Hindi pa nagkakasundo sa date, mukhang lahat sang-ayon na i-postpone ang barangay at SK elections dahil hindi talaga maaari na 2020, dahil bale 2 taon lang sila uupo, eleksyon na naman, wala naman silang nagawa so everybody agree that there should be postponement,” sabi ni Marcos.
Sinabi pa ni Marcos na nais ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na sa taong 2021 na lamang isagawa ang SK at barangay elections na isang taon lamang ang layo mula sa 2022 national elections.
“Ngayon ang diskusyon, ang gusto ng minority as represented by Sen. Drilon sinasabi niya 2021 Mayo para di na dikit sa 2022 pero sa kabila nu’n kami naman ang sinasabi namin ni Senador Bong Go, i-postpone na natin pagkatapos ng national dahil ang daming dapat gawin,” sabi ng senadora.
Kinokonsidera aniya na dapat unahin ng Senado na ayusin ang lumang batas tulad ng Omnibus Election Code na noong 1985 na wala pang automated at ang diskusyon sa usapin ng hybrid ang eleksyong gagamitin.
Sinabi pa ni Marcos na may nagsusulong na gawing automated at manual ang elections kung kaya’t mahigpit ang diskusyon ng mga ito.
“Hindi sila sang-ayon sa automated law, magulo so kailangan ayusin muna ‘yun. Pangalawa ‘yung napakasalimuot na na usapin ng hybrid, may nagsasabi hybrid huwag lahat automated, manual, ‘yung tara system,” sabi nito.
Dapat aniyang mahigpit na pag-isipan kung automation o manual ang gagamitin dahil sa kapwa may dala itong problema sa eleksyon.
“’Yun ang pag-uusapan, sa ngayon sa Pinas pag automated, automated, pag manual, manual. Sa ibang bansa may halo meron din naman na nainis sa automated bumalik sa manual tulad ng Australia at Germany. Napaka-high-tech nila nayamot na sila sa kanilang automated bumalik sa manual, so ang dapat nating isipin ano talaga ang angkop sa Pinas,” paliwanag pa ni Marcos.
211