(Ni NOEL ABUEL)
NAIS na gawing libre ng isang senador ang pagbabayad sa ipinapadalang relief goods at donasyon sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad.
Sa inihaing Senate Bill No. 1151 ni Senador Lito Lapid, nais nitong wala nang babayarang freight services sa pagpapadala ng relief goods at in-kind donations sa mga dumadanas ng under state of calamity.
“Layunin nating siguraduhin na mas mapapabilis ang pagpapaabot ng tulong sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyo o naging biktima ng iba pang sakuna tulad ng lindol o landslide. Kadalasan kasi, ang mga relief agencies pa ang gumagastos para sa paghatid ng mga relief goods sa mga apektado ng kalamidad,” sabi ni Lapid.
Sa ilalim ng nasabing panukala na tinawag na “Free Relief Goods Transportation Act,” bibigyan ng ayuda ang mga lehitimong relief organizations para mapabilis at walang maging sagabal sa pagpapadala ng mga relief goods sa mga tinamaan ng kalamidad.
Giit ni Lapid, dahil sa maraming magkakalayong isla ang bansa ay nahihirapang mabigyan ang mga pamilyang tinamaan ng kalamidad kung kaya’t dapat nang walang bayaran pang anuman sa mga freight services .
159