(NI BERNARD TAGUINOD)
WALANG plano ang mga kongresista na isuko ang laban kontra sa pagpapalayas sa mga bus terminal sa kahabaan ng Edsa.
Ito ang nabatid kay Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin matapos ibasura ng Korte Suprema ang kanilang petisyon laban sa pagpapaalis ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga bus terminal sa Edsa.
Ayon kay Garbin, maghahain ang mga ito ng motion for reconderation (MR) anumang araw sa pag-asang bawiin ng Korte Suprema ang kanilang unang desisyon na tila pinapayagan ang MMDA na ipatupad ang kanilang programang alisin ang mga bus terminal sa Edsa.
“With all due respect, and without prejudice to the filing of our Motion for Reconsideration, The SC should have taken jurisdiction over the petition on the provincial bus ban as in other cases they decided wherein direct resort to SC is allowed when there are genuine issues of constitutionality that must be addressed at the most immediate time,” ani Garbin.
Magugunita na naudlot ang pagpapaalis ng MMDA sa mga bus terminal sa Edsa na isa umano sa dahilan ng matinding trapiko sa nasabing lansangan, matapos kuwestiyonin ito sa Korte Suprema.
Bukod sa grupo ni Garbin ay nagpetisyon din kontra sa pagpapaalis ng mga bus terminal sa Edsa si Albay Rep. Joey Salceda at Makabayan bloc congressmen na pawang ibasura ng SC.
Partikular sa dahilan kung bakit kontra mga nabanggit na petitioner sa pagpapaalis sa mga bus terminal sa Edsa ay dahil mahihirapan ang mga pasahero mula sa mga probinsya.
Ang mga pasahero mula sa Southern Luzon ay ibababa sa Laguna habang ang mga mula sa Northern Luzon ay bababa naman sa Valenzuela City na ayon sa mga petitioners ay dagdag na abala at gastos sa mga probinsyano.
243