PAGPAPASARA SA ABS-CBN, WAKE-UP CALL SA KONGRESO

DAPAT maging “wake-up call” ang pagsasara sa ABS-CBN sa Kongreso, na siyang may mandato sa pagkakaloob ng prangkisa gayundin bilang isang nakalulungkot na “trahedya” para sa mga Filipino.

“Ang paglalagay sa alanganin sa isang media outlet ay nagbibigay ng signal sa iba na bantayan ang kanilang likod at mag-ingat,” sabi ni Senador Grace Poe.

“May epekto itong mas malaki pa sa ABS-CBN; hindi lamang ito trahedya ng isang tao o kumpanya, kundi ng lipunan, ‘pag nangyari ito, sapagkat ipinapakita natin na pwedeng baluktutin ang batas para lang maserbisyuhan ang layunin ng iilan,” dagdag ng senadora.

Aniya, ang pagsasara ng network ay nagbibigay-diin sa kritikal na eksklusibong mandato ng Kongreso ng pagkakaloob ng lehislatibong prangkisa, na nagmumula sa Mababang Kapulungan.

Ito ay isang panawagan ng paggising matapos hindi tumalima ang NTC sa ipinangako nito alinsunod sa opinyon ng DOJ.

Sa nakaraang pagdinig ng komite ng public services sa Senado na pinangunahan ni Poe, sinabi ni Commissioner Gamaliel Cordoba ng National Telecommunications Commission na maaari silang magbigay ng provisional authority upang payagan ang ABS-CBN na manatiling ‘on air’ batay sa opinyon ng Department of Justice at ‘equity.’

“Sa simula pa lamang, nakapag-reach out na sana ang NTC sa amin at sinabing hindi sila tiyak sa gagawin at kailangan ng tulong at inilatag ang maaaring mga remedyo,” ani Poe.

Sinabi ni Poe na ang  pagpapasarang ito ay kahina-hinala at ‘di napapanahon sa gitna ng pandemya kung saan importanteng may patuloy at ‘di nasisikil na impormasyon ang publiko.

“Ang dagdag na kawalan ng trabaho ay problema rin, hindi lamang sa empleyado ng kumpanya, kundi pati na rin sa iba pang industriyang nakikinabang sa operasyon nito, ani Poe.

Binigyang-diin ni Poe na mag-i-inhibit ito sa deliberasyon at botohan na gagawin ng Senado ukol sa prangkisa ng ABS-CBN. NOEL ABUEL

82

Related posts

Leave a Comment