PAGPAPATAKAS KAY GUO INSULTO SA JUSTICE SYSTEM

HINDI lang sampal kundi matinding insulto sa justice system ng Pilipinas ang pagpapatakas kay Guo Hua Ping o Alice Guo.

Pahayag ito ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong matapos kumpirmahin ng ilang ahensya ng gobyerno partikular na ng Bureau of Immigration (BI) na nakaalis na si Guo sa bansa noon pang July 17.

Naniniwala rin ang mambabatas na may tumulong kay Guo sa kanyang pagtakas lalo na’t alam ng lahat na may kinakaharap itong mabibigat na kaso dahil sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban, Tarlac.

Sinabi pa ng mambabatas na kung dati ay iniinsulto na ang sistema ng hustisya sa bansa dahil sa pagpapapasok ng mga dayuhang kriminal sa bansa ngayon ay pinalala pa ito sa pagtakas ni Guo.

“Isipin nyo ang dali-daling makapasok yung mga illegal na ano, ah mga kriminal na gumagawa ng mga bogus and fake doc ah legal documents para mag-operate dito tapos ang bilis lang din makalabas yung mga taong kailangan managot so it’s really insulting,” ani Adiong.

Kamakalawa ay inutos na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pag-iimbestiga at nangako ito na may mga gugulong na ulo sa pagtakas ni Guo.

Sinabi naman ni 1Rider party-list Rep. Rodrigo Gutierrez, bahagi ng corruption na dinala ng POGO sa bansa ang pagpapatakas kay Guo kung meron mang mga taga-gobyerno ang tumulong sa kanya.

“I think this really highlights po yung social ills that POGO brings,” ani Gutierrez kaya hindi aniya nagkamali ang Kongreso sa pagbuo ng QUAD-Committee na nag-iimbestiga sa koneksyon ng POGO, illegal drug trade at extra-judicial killings.

Inirekomenda na rin ng Kamara sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkansela sa Philippine Passport ni Guo. (BERNARD TAGUINOD)

38

Related posts

Leave a Comment