PAGPAPATAYO NG REGIONAL PRISONS, ISINUSULONG

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

AMINADO si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na panahon na upang magkaroon ng regional penitentiaries kasunod ng mga nadiskubreng anomalya sa New Bilibid Prison (NBP)  sa Muntinlupa City.

Sinabi ni Lacson na ang panukala ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na magtatag ng mga prison facility sa bawat rehiyon ay hindi lamang magde-decongest ng NBP kundi masasawata rin ang katiwalian.

Matatandaang sa ikalimang imbestigasyonng Senado sa sinasabing anomalya sa Bureau of Corrections (BuCor), naisiwalat ang iba’t ibang money making schemes tulad ng prostitusyon, droga at panunuhol.

Ipinaliwanag ni Lacson na kung may regional penal facilities, mas magiging accessible sa mga kaanak ang mga preso.

“May panukala si SP (Senate President Vicente Sotto III) na gawing regionalized, kasi kung centralized, centralized ang corruption. Kung regionalized, kasama ang psychological makeup ng inmate dahil reformative ang purpose para ma-reform,” saad ni Lacson.

“Sa experience, kung galing sa malayong probinsya ang pamilya at detained sa Muntinlupa, after one month, padalang nang padalang ang dalaw hanggang wala nang dalaw, doon medyo natotorete ang isipan ng detainee. So kung anu-ano ang naiisip,” dagdag ng senador.

“Kung regionalized ka, may access ang pamilya, madaling makadalaw.  Ang emotional nila at psychological makeup, hindi masyadong apektado. So, marami talagang dapat pagaralan,” paliwanag pa ng mambabatas.

Ipinaliwanag pa ng senador na sa ngayon sa lawak ng assets ng BuCor ay maliit lamang ang income na nakukuha nito.

Kung ibebenta o gagamitin anya ang 300-hectare property sa joint venture agreement ay posibleng kumita ang gobyerno ng P60 bilyon na magagamit para sa mga bagong detention facility sa mga lalawigan.

“At least may tuluy-tuloy na revenue na papasok sa gobyerno at magagamit din sa pag-construct ng detention facility na bago na, high-tech na, nakikita natin sa abroad, isang pindot ng button magbubukas ang selda. At kumpleto ang technical equipment, CCTV, jammer, mababawasan ang human intervention. Pag pumasok ang human factor doon nagkaluko-luko,” paliwanag pa nito.

176

Related posts

Leave a Comment