(NI NOEL ABUEL)
BABRASUHIN ng Senado ang pagpasa sa panukalang batas na naglalayong dagdagan ang nakokolektang buwis sa alak at sigarilyo bago pa man matapos ang 17th Congress ngayong buwan.
Ayon kay Senate Minority leader Franklin Drilon, ngayon Lunes isasagawa ang pagdinig sa nasabing panukalang batas para maipasa sa ikalawa at ikatlong pagbasa at tuluyang ipasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Kumpiyansa naman si Drilon na sasang-ayunan ng mga Kongresista ang bersyon ng Senado upang agad na maihabol bago pa matapos ang 17th Congress at pagbubukas ng 18th Congress.
“Sa Lunes po, ang usapan ay mag-introduce lang kami ng amendments at pagkatapos, dahil ito ay certified urgent, we can pass it on second and third reading, tapos ito ay ipapadala sa Kongreso at titingnan nila sa Martes kung papayag sila sa aming version at kung pumapayag sila, i-adopt na lang nila dahil wala ng panahon para mag-bicam,” ayon pa kay Drilon.
Wala na rin umanong hadlang sa panig ng iba pang senador upang mabitin ang pagpasa sa nasabing panukala.
“Nag-usap na kami sa caucus. Sa akin, ako’y sang-ayon na taasan ang buwis sa sigarilyo at alak dahil ito’y isang measure para sa kalusugan ng ating mga kababayan at nang bumaba ang bilang ng mga naninigarilyo, lalo na sa mga mahihirap dahil malaki ang gastos dulot ng sakit na nakukuha sa paninigarilyo; at para mapondohan ‘yung Universal health care,” aniya pa.
146