(NI LYSSA VILLAROMAN)
MALALIMANG imbestigasyon sa kaso ng pagpatay sa tatlong opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) ang ginagawa ng pulisya upang malaman kung may kaugnayan ang pagpaslang sa mga ito sa good conduct time allowance (GCTA).
Ito ay napag-alaman kay National Capital Regional Police Office (NCRPO) director Major General Guillermo Eleazar at iniutos sa mga tauhan ang masusing imbestigasyon sa pagkakapatay kamakailan kay Ruperto Traya Jr., administrative officer ng document processing division sa BuCor makaraan itong pagbabarilin ng motorcycle riding in tandem.
Ayon kay Eleazar, nabanggit sa imbestigasyon sa Senado ang pangalan ng namayapang Traya matapos itong masambit ng isang lumutang na testigo na nagsabing nakipagkita siya kay Traya para sa negosasyon hinggil sa bentahan ng GCTA na ginagawang raket ng ilang opisyal ng BuCor upang mapalaya ng mas maaga ang kanyang mister mula sa naturang bilangguan.
“Nang lumutang nga itong issue sa GCTA at lumabas itong witnesses during the Senate hearing, itong GCTA naging probable motive din dito sa pagkamatay ni Traya,” ani Eleazar.
Ayon pa kay Eleazar, noong Setyembre 2018, pinagbabaril at pinatay din ng riding in tandem si BuCor Inspector Rommel Reyes at makalipas ang dalawang buwan ay pinatay din ang isa pang opisyal na si Angelita Peralta.
“Tinitingnan natin kung posible ba na itong mga napatay na kawaning ito e may kaugnayan dito. Ngayon ay nagpapatuloy na ang imbestigasyon,” sabi pa ni Eleazar.
Sa ngayon ay wala pa aniya silang mga person of interest sa naganap na pagpatay sa mga opisyal ng BuCor.
135