Pagsasara ng ABS-CBN MALAKING HAMON SA KONGRESO

HINDI binatikos ni Senadora Grace Poe ang ehekutibong sangay ng pamahalaan, partikular si Pangulong Rodrigo Duterte, nang ipatigil ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng ABS-CBN Corporation (ABS-CBN) nitong Mayo 5 dahil kumbinsido ang mambabatas na ang naganap ay nagsilbing “hamon” sa Kongreso.

Nakasaad sa Saligang Batas na ipinasa noong si Corazon Cojuangco Aquino ang pangulo ng bansa na ang Kongreso ang legal na otorisadong maglabas ng prangkisa para sa isang kumpanya na telebisyon o radyo ang negosyo.

Ngunit, mayroong “enabling law” na nagsasabing ang prangkisang ito na inilalabas sa pamamagitan ng batas ay siyang hinihinging batayan ng NTC upang bigyan nito ng “license to operate” ang isang broadcasting firm, tulad ng ABS-CBN.

Malinaw ang ipinag-utos ng Konstitusyong 1987 na walang eksempted na kumpanya sa pangangailangan ng prangkisa bago magnegosyo, kabilang na ang ABS-CBN na pag-aari ng makapangyarihan at maimpluwensiyang pamilya Lopez ng Iloilo.

Hindi rin binatikos ni Senadora Poe, kahit mayroong teleserye sa Chanel 2 na “Ang Probinsyano” na pinasikat ng amang si Fernando Poe Jr. (FPJ), ang NTC nang gampanan nito ang kanyang trabaho, tungkulin at obligasyong ipinag-utos sa kanya ng batas.

Ang sabi ni Poe sa kanyang kalatas, “Umaasa tayong kikilos nang nararapat ang kapwa natin [mga] mambabatas sa Mababang Kapulungan at Senado.”

Sa dalawang sangay ng Kongreso, ang mababang kapulungan o Kamara de Represenatantes ang unang maglalabas ng panukalang batas ukol sa prangkisa.

Iaakyat ito sa Senado o mataas na kapulungan ng Kongreso upang sang-ayunan ang mungkahing batas ng Kamara o magbalangkas ito ng iba kung sa tingin ng mga senador ay depektibo ang panukalang galing sa mababang kapulungan.

Kapag ipinasa ng Senado ang panukalang batas hinggil sa prangkisa ay dadalhin ito sa Bicameral Conference Committee upang ayusin at pagsamahin ang dalawang bersiyon ng panukalang batas bago makarating sa Office of the President (OP) upang lagdaan ng pangulo ng bansa.

Ngunit, hindi ito nangyari simula nang maging pinuno ng Kamara ang mambabatas na si Alan Peter Cayetano ng unang distrito ng lungsod ng Taguig at bayan ng Pateros.

Batay sa rekord ng Kamara, nang magbukas ang Ika-18 Kongreso, Hulyo 2019 ay marami nang kongresista ang naghain ng kanya-kanyang panukalang batas upang palawigin ng 25 taon ang prangkisa ng ABS-CBN na ibinigay ng Kongreso dalawampu’t limang taon na ang nakalipas.

Hindi iginiit ni Speaker Cayetano ang kanyang kapangyarihan upang utusan si Majority Floor Leader Martin Romualdez ng Leyte na iiskedyul ng House Committee on Legislatives Franchises na pinamumunuan ni Rep. Franz Alvarez ang sangkaterbang House Bills para sa prangkisa ng ABS-CBN.

Dahil sa pagsasarang ito, ibinuhos ni BUHAY party-list Representative Jose “Lito” Atienza Jr. ang lahat ng pananagutan sa kapalpakan ng Kamara na mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.

Idiniin ni Atienza ang ideyang “pinakamahalaga sa lahat, kasalanan ni Cayetano” ang pagtigil sa operasyon at negosyo ng ABS-CBN.

Ipinaliwanag ni Senadora Poe sa publiko na “Higit kailanman, ngayon ang panahon upang gampanan ang aming mandato sa ilalim ng Konstitusyon para protektahan ang kalayaan ng pamamahayag at tiyaking patas ang lahat ng mga pagdinig. Ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan ay inaasahan ding magiging tapat sa kani-kanilang tungkulin.”

Ngunit, mukhang sala-salabat pa rin ang mga ideya ng mga kongresista hinggil sa prangkisa ng ABS-CBN.

Halimbawa, ang unang pumasok sa isipan ni Rep. Rufus Rodriguez ay aprubahan muna ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang inakda niyang House Joint Resolution No. 30 na magbibigay ng pansamantalang prangkisa sa TV network habang pag-uusapan pa ang permanenteng prangkisa para sa huli.

Nakalagay sa resolusyon na hanggang Hunyo 30, 2022 ang pansamantalang haba ng buhay ng ABS-CBN.

Ang nasabing petsa ay huling araw ng termino ni Pangulong Duterte.

Kasunod ng resolusyon, naghain din si Rodriguez ng House Bill No. 6694 na ang layunin ay bigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN na tatagal ng 25 taon.

Iginiit naman ng kongresista mula sa unang distrito ng Albay na si Rep. Edcel Lagman na walang ibang “kagyat” na aksyon sa problema ng kumpanya ng pamilya Lopez kundi ipasa ng Kongreso ang mungkahing “renewal” ng kasalukuyang 25-taong prangkisa nito.

Ngunit, idiniin ni Rodriguez na kailangang bago ang prangkisa ng ABS-CBN, sapagkat nagtapos na ito nitong Mayo 4.

Ang punto ng mambabatas mula sa Cagayan de Oro ay hindi puwedeng ulitin na lamang ang napasong prangkisa dahil wala na itong bisa o legal na batayan.

Si Rep. Alvarez naman ay NTC pa rin ang pinagagalitan dahil sa pagbalewala ng ahensiya sa Kamara. NELSON S. BADILLA

61

Related posts

Leave a Comment