(NI KEVIN COLLANTES)
KUMPIYANSA ang Department of Transportation (DOTr) na matatapos ang konstruksiyon ng Sangley Airport sa Nobyembre, na itinakdang deadline para rito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, tuluy-tuloy ang 24/7 construction schedule ng naturang paliparan upang masigurong masusunod ang kautusan ng Pangulo.
Kaugnay nito, nagpaskil ang DOTr ng mga larawan na kuha mula Setyembre 17 hanggang 21 kung saan makikita ang puspusang pagtatayo ng mga karagdagang pasilidad para sa general aviation at turbo prop operations ng paliparan.
Sinabi ng DOTr na wala ring patid ang structural works para sa passenger terminal building, gayundin ang grade preparation para sa concrete slab sa hangar.
Tuluy-tuloy din umano ang roofing at gutter installation, paghahanda ng gravel base course at concrete pouring para sa ramp at taxiway, gayundin ang construction ng drainage system sa landside area.
Alinsunod sa direktiba ni Tugade, 24/7 ang construction schedule sa Sangley Airport upang masigurong matatapos ang mga karagdagang pasilidad sa itinakdang deadline ng Pangulo sa Nobyembre.
Nabatid na layunin ng proyektong ito na makatulong sa decongestion ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
143