Pagtiyak ng BSP SABLAY SA BAGONG P1,000 NAITAMA NA

NAITAMA na ang spelling at formatting ng scientific name ng Philippine eagle sa bagong P1,000 banknote.

Tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Linggo na naitama na nila ang mga pagkakamali matapos batikusin sa social media ang larawan ng bagong P1,000.

“The BSP clarifies that the recently circulated photo of the new banknote was of a sample previously sent to the BSP for review,” anang BSP, sa isang pahayag.

“Necessary corrections have already been made, including the spelling and italicizing of the scientific name of the Philippine eagle,” ayon pa rito.

Ikatlong pagkakataon na ito na sumablay ang BSP sa paglilimbag ng P1,000 salapi kung saan ibinida ang Philippine eagle bilang pambansang ibon.

Sa isang Facebook post, pinuna ni Michael Angelo Francisco, isang manunulat sa larangan ng agham, ang aniyang maling deletrea (spelling) ng scientific name ng Philippine eagle. “Pithecophaga jefferyi po ang Philippine eagle. Hindi ‘Pithecophega jefforyi,” ani Francisco sa kanyang kumalat na social media post.

Bukod sa spelling, mali rin aniyang “regular font” ng mga letra ang gamitin para sa mga scientific names ng anomang organismong tukoy ng agham.

“Italicized dapat lagi kapag binomial nomenclature o scientific name. Naitama naman nila ito sa likod ng bagong 1,000-peso bill (sa pagkakasulat ng Pinctada maxima) kaya nakapagtatakang namali ito sa harapan,” saad pa ng kanyang social media post.

Aniya, hindi dapat ipagwalang bahala ang nasabing pagkakamali lalo pa’t pakay ng bansa ang ipakilala sa buong mundo ang pambansang ibon.

“Huwag po sana natin itong ipagwalang-bahala, dahil maliit man ang font nito ay hindi ito maliit na pagkakamali. Kung ang nais po natin ay maayos na maipakilala sa mga tao ang mga species na nanganganib, importanteng maayos din po ang pagkakasulat ng kanilang mga pangalan. Salamat po.”

Taong 2020 nang sumablay din ang BSP sa paglilimbag ng mga P1,000 papel na salapi kung saan nakatitik ang pangalan ng Pangulo — Rodrigo Boa Duterte, sa halip na Rodrigo Roa Duterte.

Gayundin ang nangyari sa P100 paper bills noong 2010 nang mailimbag naman ang pangalan ng noo’y Pangulo — Gloria Macapagal Arrovo, sa halip na Gloria Macapagal Arroyo.

Nitong Sabado ay isinapubliko ng BSP ang bagong disenyo ng P1,000 banknote na may Philippine eagle sa harapan, kapalit ng mga larawan ng mga bayaning sina Jose Abad Santos, Vicente Lim at Josefa Llanes Escoda.

Nakatakdang ilabas ang bagong banknote sa Abril 2022. (RENE CRISOSTOMO)

2

Related posts

Leave a Comment