PAGTUTURO NG ARABIC LANGUAGE AT ISLAMIC VALUES EDUCATION ISINUSULONG

INIHAIN ni Senador Win Gatchalian ang isang panukala na gawing institutionalized ang Arabic Language and Islamic Values Education o ALIVE sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Layon ng Senate Bill No. 382 o ang Arabic Language and Islamic Values Education Act ay bigyan ang mga mag-aaral na Muslim ng angkop na edukasyon habang kinikilala ang kanilang kultura.

Tinitiyak at kinikilala din sa panukala ang ambag ng mga Pilipinong Muslim bilang katuwang sa pagkamit ng mga layunin ng bansa.

Ayon kay Gatchalian, na siyang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, naaayon ang panukala sa pagsusulong ng inclusive education upang tugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga mag-aaral at tiyakin ang kanilang ganap na pakikilahok at pagkamit ng kahusayan nang naaayon sa kanilang mga kultura at mga komunidad.

Sa ilalim nito, ang Arabic Language at Islamic Values Education ay ituturo sa mga mag-aaral na Muslim at hindi Muslim.

Titiyakin din ng panukala ang pagkakaroon ng sapat na textbook at instructional materials, pati na rin ang pagsasanay sa mga asatidz o mga guro sa mga komunidad ng mga Pilipinong Muslim.

Nakasaad din sa panukala ang pagbibigay ng technical assistance at tulong pinansyal sa mga DepEd-accredited madaris o mga pribado at community-based na mga paaralang nakatutok sa Islamic studies at Arabic literacy.

Samantala, isinusulong naman ni Senador Robin Padilla ang panukala na titiyak sa pagrespeto sa relihiyon ng mga estudyante sa educational institutions.

Sa ilalim ng Senate Bill 1609 o ang proposed Protection of Students’ Religious Belief Act ni Padilla, papatawan ng parusa ang sinumang lalabag sa right to religion ng mga estudyante.

Binigyang-diin ni Padilla na nakasaad sa Konstitusyon ang proteksyon at malayang pagpili ng anumang religion o pananampalataya nang hindi nanganganib na mabiktima ng diskriminasyon.

Pinapayagan pa nga anya sa konstitusyon ang pagtuturo ng relihiyon sa public elementary at high schools sa regular class hours ng mga instructor na aprubado ng religious authorities.

Gayunman, sa mga nakalipas na taon anya ay kapansin-pansin ang kakulangan ng mga educational institution sa paraan ng pagtuturo ng relihiyon nang walang pinipiling sektor.

Pinakamahirap pa anya ay ang napipilitan ang mga estudyante na mag-enrol sa religious classes at dumalo sa academic activities na manghihimasok sa sarili nilang pananampalataya.

Alinsunod sa panukala, walang estudyante ang sapilitang ieenrol sa religious value, lesson, subject, o course na iba sa kanyang paniniwala.

Ang sinumang lalabag sa probisyong ito ay papatawan ng multang mula P500,000 hanggang P2 milyon o pagkabilanggo na mula anim na taon hanggang walong taon. (DANG SAMSON-GARCIA)

145

Related posts

Leave a Comment