(NI BETH JULIAN)
BAGAMA’T wala pang desisyon, bukas ang Malacanang na pag aralang ibalik ang Dengvaxia vaccine sa merkado.
Ito ay bunsod ng pagtaas ng kaso ng dengue sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kailangang humanap ng lunas sa nasabing sakit lalo pa’t sa ngayon ay wala pang gamot na panlaban sa dengue.
“Kailangan talaga humanap tayo ng vaccine, pero kung wala pa at alam naman nating pwede yung Dengvaxia sa dati nang may dengue at wala naman tayong naririnig na hindi, o e di why don’t we try it. Iko-consider lang natin,” wika ni Panelo.
Gayunman, sinabi ni Panelo na walang dapat pang ikabahala dahil hindi pa nagbigay ng go signal ang Malacanang para gamitin ang Dengvaxia vaccine kung isinaalang-alang ang naging kontrobersiyal nito noong 2017 dahil sa pagkamatay ng ilang estudyanteng nabakunahan nito.
“Nothing is final yet but we vow that we will not repeat the mistakes of the past, where Dengvaxia was allegedly misused and mishandled in aid of political election with haste,” ayon pa kay Panelo.
Pagdidiin ni Panelo na kung sakali mang muling gamitin ang Dengvaxia vaccine, kinakailangan ang matinding pag-iingat at ikokonsidera ang opinyon ng World Health Organization (WHO) at iba pang eksperto para hindi na maulit ang insidente.
Nilinaw din ni Panelo na sakali mang gamitin muli ang kontrobersiyal na anti-dengue vaccine, hindi nangangahulugan na lusot na sa kaso ang mga dati at kasalukuyang opisyal na sangkot sa kuwestiyunableng pagbili ng nabanggit na gamot.
224