(NI BETH JULIAN)
HINDI nabahala ang Malacanang sa text message ni Zhao Jianhua kung saan sinabi nito na baka nag-eespiya na rin ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa kanilang bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sa tingin nya ay sariling sentimyento lamang ito ni Zhao at hindi naman talaga maaaring mai-apply sa mga OFW.
Ayon kay Panelo, tulad ng paniniwala ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang mga OFW ay nagpupunta sa China at sadyang nagtatrabaho lamang doon sa iba’t ibang lugar, taliwas sa Chinese workers na unang pasok sa Pilipinas ay bilang mga turista subalit kalaunan ay pumapasok pala bilang POGO workers at nagtitipun-tipon sa iisang lugar lamang.
Ang pahayag ni Zhao ay matapos maghayag ng pagkabahala si Lorenzana at National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon Jr., na dumarami ang Chinese workers sa mga POGO site malapit sa mga kampo ng militar.
Una nang sinabi ni Panelo na hindi nababahala si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga POGO malapit sa mga kampo ng militar at pulis sa katwirang kung talagang mag-eespiya ang China ay magagawa nila ito kahit pa sa malayong lugar.
Iginiit ni Panelo na malaki ang tiwala ng Pangulo sa intelligence gathering capability ng pamahalaan.
144