PALASYO KUMAMBYO SA SCHOOL OPENING

malacanang

WALA pang pinal na desisyon kung magbubukas ang public schools sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Agosto 24 ng taong ito.

Kailangan pa kasing tingnan ng gobyerno ang data kung mataas o mababa na ang kaso ng COVID-19.

Ang pahayag na ito ni Presidential spokesman Harry Roque ay matapos na ianunsyo ng Inter-agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na in- adopt nito ang Basic Education Learning Continuity Plan of the Department of Education (DepEd) na kinailangan para sa muling pagbubukas ng klase sa Agosto 24.

Sa isang panayam, sinabi ni Sec. Roque na hindi pa pinal kung ang mga eskuwelahan sa ilalim ng ECQ ay magbubukas sa nasabing petsa.

“Wala pa pong distinction… pero titignan nga natin ang datos kung saan mataas, kung saan mababa. Ang ina-assume natin talaga ay mag-g-GCQ na by August 24 pero kung mananatili ang ECQ, eh siguro po may bagong [guidelines] ang DepED diyan sa mga lugar na ‘yan,” ayon kay Sec. Roque.

Kahapon ay sinabi ni Sec. Roque na ang mga eskuwelahan ay gagamit ng alternative learning options sa oras na magsimula ang klase ngayong taon.

Sa kabilang dako, ang mga extracurricular activities at events na hahakot ng malaking bilang ng tao ay suspendido.

“Gagamitin po natin ang iba’t ibang learning delivery options tulad ng face-to-face [learning], distance learning, at homeschooling. Magkakaroon din po tayo ng mga pagkansela ng mga extracurricular activities kung saan merong malaking pagtitipon gaya ng school sports, campus journalism, job fairs, at iba pa,” ayon kay Sec. Roque.

Samantala, ang mga private schools na magbubukas sa susunod na buwan ay hindi aniya face-to-face learning system.

“Bagama’t may ilang mga pribadong eskwelahan na magbubukas daw sila ng Hunyo, wala pong face-to-face yun… Pwedeng homeschooling, pwedeng modules,” aniya pa rin.

Base sa adopted policy ng IATF, ang mga basic education classes ay muling magbubukas sa Agosto 24 at magtatapos ng Abril 30 sa susunod na taon. CHRISTIAN DALE

 

84

Related posts

Leave a Comment