(NI CHRISTIAN DALE)
PINANINDIGAN ng Malakanyang na hindi sakop ng one year ban ang mga party list nominees para mabigyan ng posisyon sa gobyerno.
Ginamit ni Presidential spokesperson Salvador Panelo ang Comelec resolution sa pagkakatalaga ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang deputy administrator ng Overseas Workers’ Welfare Administration si dating Presidential Communication Operations Office Undersecretary Mocha Uson.
“Per COMELEC RESOLUTION, party list nominees are not covered by the one year ban,” ayon kay Sec. Panelo.
Pinalitan ni Uson ang nagbitiw na opisyal ng OWWA na si Arnel Ignacio. Nilagdaan ng Pangulo ang appointment ni Uson noong September 23 subalit kahapon lamang inilabas ang kopya.
Magugunitang hindi rin pinalad manalo ang partylist group ni Uson na AA Kasosyo nitong nakaraang eleksyon kung saan siya ay nominee.
Hindi umano sakop ng 1 year ban si Uson dahil partylist group ang tinakbuhan nito at hindi bilang indibidwal na kandidato sa nakaraang 2019 elections.
Kaya nga, walang nakikitang hadlang ang Comelec sa panibagong posisyon sa gobyerno ni Uson.
Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez, hindi applicable sa mga natalong kandidato na naging nominee ng isang partylist group ang one year appointment ban sa posisyon sa gobyerno.
Inihayag din ni Comelec Education and Information Division Dir. Atty. Frances Arabe na mayroong naunang ruling ang Comelec En banc na nagsasabing hindi saklaw ng appointment ban ang mga nominees ng partylist.
Maging si Senate President Vicente Sotto ay walang nakikitang problema sa pagtalaga kay Mocha Uson bilang deputy administrator ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.
Ayon kay Sotto, hindi naman umano saklaw ng batas na tungkol sa one-year ban ang lahat ng mga kumandidato sa eleksiyon noong nakalipas na buwan ng Mayo 2019 kaya’t puwede umanong italaga si Uson sa nasabing posisyon.
“Hindi covered ang party-list, hindi sila kandidato, ang kandidato yung party-list nila,” sabi ni Sotto sa panayam ng mga reporter ngayong Lunes, Setyembre 30.
Pabor naman si Sotto sa pagtalaga kay Uson sa OWWA dahil marami umano itong mga follower na overseas Filipino worker (OFWs) na siyang pinaglilingkuran ng ahensiya.
“Ok yun, because she has great following from the OFW, baka makatulong,” sambit pa ni Sotto.
Iyon nga lamang, para kay Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, sakop pa ng one-year ban sa political appointment si Uson na malinaw na nakasaad sa Section 6 ng Article 9B ng 1987 Constitution.
Sa batas aniya ay bawal italaga sa gobyerno ang kandidatong natalo sa eleksyon sa loob ng isang taon.
Idiniin ni Gaite na iligal ang pagkakatalaga kay Uson sa OWWA at hindi dapat ipatupad.
177