Pamalit sa tatlong nagretiro NOMINADO SA COMELEC, DAPAT NANG ISAPUBLIKO

coe

ISANG panawagan ang ipinarating ng election watchdog kay Pangulong Rodrigo Duterte. Giit ng National Citizens Movement for Free Elections (Namfrel) dapat nang ihayag ng Pangulo sa lalong madaling panahon ang mga pangalan ng mga nominadong posibleng ipalit sa mga nagretirong opisyal ng Commission on Elections (Comelec).

Katwiran ng Namfrel, dapat munang makilatis ng publiko ang mga aplikante o nais ilagay ng Pangulo sa pwesto sa gitna ng agam-agam na isang taga-Davao ulit ang italaga sa pwesto. Dapat rin anilang bigyang halaga ang sentimyento ng mga botante sa pagpili ng mga papalit sa nagretirong si dating Comelec chairman Shariff Abas at mga commissioners na sina Rowena Guanzon at Antonio Kho mahigit dalawang linggo na ang nakakaraan.

Dagdag pa ng grupo, gahol na sa panahon ang Comelec para isaayos ang mga usaping dapat talakayin ng Comelec en banc.

Pagtitiyak naman ng Palasyo, ilalabas ng Pangulo ang talaan bago pa man pormal na maglabas ng appointment papers.

Una nang umugong ang pangalan ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre na diuamno’y hihiranging chairman ng Comelec. Bukod kay Aguirre na fraternity brother ng Pangulo, lumutang rin ang mga pangalan nina retired Court of Appeals justices Romeo Barza, Danton Bueser, Francisco Acosta, at Presidential adviser on OFW affairs Abdullah Mama-o.

Noong Kalihim pa lang ng DOJ, inakusahan si Aguirre na diumano’y tumanggap ng suhol mula kay Chinese gaming tycoon Jack Lam kapalit ng kalayaan ng 1,300 Tsinong inaresto sa Fontana Leisure Parks and Casino sa Pampanga noong Disyembre 2016, dahilan para siya’y bumitiw sa pwesto.

Enero ng taong 2021 naman nang muling hirangin ni Duterte si Aguirre bilang vice chairman ng National Police Commission (Napolcom). Kapwa miyembro ng Lex Talionis sa San Beda sina Duterte at Aguirre. (FERNAN ANGELES)

113

Related posts

Leave a Comment