Pambabarako ng China, sukdulan na BARKO NG PINAS PINALALAYAS

0

MULING tumaas ang tensyon sa karagatan malapit sa Ayungin Shoal kasunod ng paglalabas ng pahayag ng Chinese Foreign Ministry na nag-uutos sa gobyerno ng Pilipinas na alisin na ang barkong nagsisilbing himpilan ng mga sundalong Pilipino sa pinagtatalunang teritoryo.

Sa isang pahayag, matapang naman ang tugon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana – hindi lilisanin ng mga tropang sundalo ng Pilipinas ang Ayungin Shoal kasabay ng giit na bahagi ng Pilipinas ang nasabing lugar.

Aniya, pasok ang Ayungin Shoal sa loob ng Exclusive Economic Zone (ECC), bagay na nagbibigay karapatan sa bansang Pilipinas, bukod pa sa naging hatol ng United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS).

“Our EEZ was awarded to us by the 1982 UNCLOS which China ratified. China should abide by its international obligations that it is part of,” ani Lorenzana sa pagpapatuloy ng palitan ng patutsada sa pagitan ng Pilipinas at China makaraang itaboy ng Chinese Coast Guard ang dalawang supply vessels na patungo sa Ayungin Shoal para maghatid ng pagkain, gamot at iba pang pangangailangan ng mga Pilipinong sundalong lula ng BRP Sierra Madre.

Ayon kay Zhao Lijian na tumatayong tagapagsalita ng Ministry of Foreign Affairs of People’s Republic of China, dapat tuparin ng panig ng Pilipinas ang pangako nito at alisin ang nakasadsad na sasakyang-dagat nito sa Ren’ai Jiao.

Gayunpaman, walang anumang detalyeng inihayag ang Tsinong opisyal kaugnay ng aniya’y pangako. Hindi rin niya sinabi kung sinong opisyal ng pamahalaan ang nangako sa gobyerno ng China.

Tugon naman ni Lorenzana, wala siyang natatandaanga pangako ng Pilipinas sa China na aalisin nila ang Sierra Madre sa loob ng Ayungin Shoal, sabay giit sa arbitral ruling na ipinalabas ng UNCLOS.

“Higit pa rito, pinasiyahan ng Arbitral award na ang pag-angkin sa teritoryo ng China ay walang makasaysayang o legal na batayan. Ergo, we can do whatever we want there at sila na talaga ang lumalabag. Meron tayong dalawang dokumentong nagpapatunay na meron tayong sovereign rights sa ating EEZ habang sila ay wala at yung claim nila walang basehan,” anang kalihim.

“As far as I know there is no such commitment. That ship has been there since 1999. If there was commitment it would have been removed a long time ago,” dagdag pa ni Lorenzana.

Kinondena
sa Senado

Samantala, kinondena ni Senador Grace Poe ang pagdidikta ng China sa Pilipinas hinggil sa karapatan at soberenya nito sa West Philippine Sea (WPS) na pawang pag-aari ng bansa.

Sa pahayag, sinabi ni Poe na idineklara sa 2016 arbitral ruling na ang Ayungin Shoal ay sa Pilipinas at bahagi ng ating exclusive economic zone at continental shelf.

“Walang karapatan ang China na idikta kung ano ang dapat nating gawin sa ating karagatan,” giit ni Poe.

Sinabi ni Poe na ang pagdikta ng China na alisin ang BRP Sierra Madre mula sa bahura ay isa na namang pagpapakita ng pagiging arogante at agresyon na hindi natin dapat upuan na lamang.

Aniya, bukod sa diplomatikong protesta, dapat pagsumikapan ng gobyernong himukin ang mga kalapit na bansa na bumuo ng alyansa laban sa hindi katanggap-tanggap na pagkilos ng China.

“Muli’t muli, maraming mga bansa ang tumindig para sa atin at nakiisa sa ating layuning matiyak ang kapayapaan, seguridad at kaayusan,” giit pa ni Poe.

“Ang paggalang sa isa’t isa ay dapat laging pundasyon ng ating relasyon sa alinmang bansa,” ani Poe. (JESSE KABEL/ESTONG REYES)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment