Panawagan ng pamilya ni Percy Lapid PANGALAN NG 160 PERSONS OF INTEREST DAPAT ILANTAD

NANAWAGAN ang pamilya ng pinaslang na komentarista sa Philippine National Police (PNP) na ilantad sa publiko ang talaan ng tinatawag na persons of interest (POI).

Ayon kay Roy Mabasa, peryodistang kapatid ni Ka Percy Lapid (Percival Mabasa sa totoong buhay), nais lamang nilang malaman kung pasok sa talaan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga iniimbestigahan kaugnay ng pananambang noong Oktubre 3 sa Las Piñas City.

Partikular na tinumbok ni Mabasa ang pahayag noon ng PNP na di umano’y nagrebisa sa mahigit 600 yugto ng programa ni Lapid. Sa mga naturang programa aniya, pinakamarami ang bira kay Duterte.

“Sa amin lang pag-iisip ay gusto lang rin namin malaman kung sino ba ‘yung 160 persons of interest na ‘yun. Kasama ba diyan si Ginoong Duterte?” sambit ni Mabasa.

“Kasi maraming tinalakay si Ka Percy. Kung 160 programs ‘yung pinanood nung PNP para pagbasehan yung persons of interest, sigurado ako na maraming pangalan naka-include diyan. Maaring kasama ‘yung pangalan diyan ni Ginoong Duterte,” dagdag pa niya.

Gayunpaman, nilinaw ng nakababatang kapatid ng pinaslang na komentarista na hindi nila hangad na ilagay sa kahihiyan ang dating Pangulo – o isipin man lang na suspek ang matandang Duterte.

“Wala po akong sinasabi dito na si Ginoong Duterte ay kasama sa persons of interest. Ang sinasabi ko lang, maaari siya ay masama roon dahil 160 ‘yung sinasabi ng PNP,” aniya pa.

Tugon naman ni Southern Police District director Police Brigadier General John Kirby Kraft, wala ang pangalan ng dating Pangulo sa 160 kataong POIs na inimbestigahan ng pulisya.

“Nega na po ‘yan,” ani Kraft sa mensaheng ipinadala sa mga mamamahayag.

Para naman kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, may kulay pulitika ang pagdawit sa pangalan ni Duterte.

“Wala. Malayo, eh, malayo. Iba ito. We’re talking about following the money and following the conversations. Wala eh. We cannot bring it to that level. Political ‘yan,” giit ng DOJ chief.

“That’s already the political level. We’re not concerned about politics. We’re concerned about the crimes,” pahabol pa niya.

 

41

Related posts

Leave a Comment