(NI NELSON S. BADILLA)
BINATIKOS ng isang malayang research group ang pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na gumanda ang ekonomiya, kaya tumaas ang puntos ang “credit rating” ng bansa.
Ayon kay Ibon Foundation Executive Director Enrique “Sonny” Africa, “ang pagtaas ng iskor sa pangungutang ng Pilipinas ay hindi batayan sa pagsulong ng ekonomiya. Ang pagtaas sa puntos ng pag-utang ay walang kundi pagtatasa hinggil sa kapasidad ng pamahalaan na magbayad ng utang nito at hindi pag-unlad sa ekonomiya.”
Ang pagpuri ni Panelo sa itinatakbo ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng administrasyong Duterte ay reaksyon niya sa pagbibigay ng Standard & Poor (credit-rating company) ng markang “BBB+ credit rating upgrade” sa Pilipinas.
Ang BBB + ay isang hakbang para sa iskor na “A.”
Idiniin pa ni Panelo na ang ginawa ng economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte ay “napakahusay na trabaho nang ilagay nito ang ekonomiya sa tamang kaayusan.”
Inilinaw ni Africa na madalas namang nagbibgay ng iskor ang mga credit-rating firm upang ipakita sa mga negosyante at bansa kung mayroong kakayahan ang mga bansa, kabilang na ang Pilipinas, na magbayad ng mga inuutang nito sa ibang bansa at pampinansiyang intistusyon.
Iginiit ni Africa na walang naganap na pagsulong at pag-angat ang ekonomiya ng bansa.
Ang totoo ay napakaraming naghihirap na mga Pilipino at patuloy na mababa ang sahod at kita ng mga manggagawa, kaya mali ang komentaryo ni Panelo, tugon ng isa mga pinuno ng Ibon Foundation.
107