(NI CHRISTIAN DALE)
MAAYOS ang kalagayan ng mag-amang Pangulong Rodrigo Roa Duterte at anak na si Veronica ‘Kitty’ Duterte matapos yanigin ng magnitude 6.9 na lindol ang Davao Del Sur, pasado alas-2:00, Linggo ng hapon.
“He is ok. He and his daughter Kitty were in their house when the quake struck,” ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo kaya’t walang dapat na ipag-alala ang taumbayan sa Pangulo at pamilya nito.
Ang partner naman ng Pangulo na si Cielito “Honeylet” Salvador Avanceña ay pauwi na ng kanilang bahay nang maramdaman ang lindol.
Ani Sec. Panelo, umugoy aniya ang sasakyan nito habang binabagtas ang daan pauwi ng
bahay.
Hindi naman nasaktan si Avanceña.
Sa kabilang dako, ang Executive Branch, sa pamamagitan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council at Office of Civil Defense, kasama ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology, ay masusing naka-monitor sa situwasyon sa Davao del Sur makaraan ang 6.9-magnitude earthquake na tumama sa nasabing lugar.
Agad namang pinakilos ang lahat ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para tugunan ang kasalukuyang sitwasyon sa nasabing lugar at kagyat na magbigay ng tulong sa mga nangangailangan.
Samantala, hiniling naman ng Office of the President sa lahat na manatiling kalmado subalit bigilante sa posibilidad na aftershocks matapos ang malakas na paglindol.
“We likewise ask the public to refrain from spreading disinformation that may cause undue alarm and panic among affected communities,” ani Sec. Panelo.
Sinabi naman ni Presidential Security Group (PSG) Commander, Col. Jose Eriel Niembra na walang damage o sira ang bahay ng Pangulo sa Davao.
Iyon nga lamang aniya ay kailangan pa rin na i-check ang structural integrity ng bahay.
Matapos aniya ang naramdamang lindol ay muli aniyang natulog ang Pangulo.
“Ok lang wala nman damage house pero pa check pa rin structural integrity… PRRD ok lang natulog uli after the quake,” ani Niembra.
Base sa impormasyon ng Phivolcs, namataan ang episentro ng lindol sa 9 kilometers Northwest ng Matanao bandang 2:11 ng hapon.
May lalim ang lindol na 3 kilometers at tectonic ang dahilan.
Dahil dito, naramdaman ang mga sumusunod na intensities:
Intensity 7:
– Matanao at Magsaysay, Davao del Sur
Intensity 6:
– Kidapawan City; General Santos City
– Bansalan, Davao del Sur
– Alabel at Malapatan, Sarangani
– Koronadal City
Intensity 5:
– Tulunan at Matalam, Cotabato
– Cotabato City
– Davao City
– Glan, Sarangani
Intensity 3:
– Kalilangan, Talakag at Dangcagan, Bukidnon
Intensity 2:
– Impasugong, Bukidnon
– Cagayan de Oro City
– Dipolog City
Intensity 1:
– Zamboanga del Sur
Naitala naman ang mga sumusunod na instrumental Intensities:
Intensity 8:
– Malungon, Sarangani
Intensity 6:
– Alabel, Sarangani; Kidapawan City
Intensity 5:
– General Santos City
– Koronadal City
– Tupi, South Cotabato
Intensity 3:
– Gingoog City
Intensity 2:
– Zamboanga City
– Kiamba, Sarangani
Sinabi ng Phivolcs na posibleng may mapaulat na pinsala at aftershocks matapos ang pagyanig.
135