PANUKALA PARA SA PROTEKSYON NG KABABAIHAN, INIHAIN NG ALL WOMEN SENATORS

0

ISINUSULONG ng mga babaeng senador ang panukala para sa pagbuo ng mga hakbangin na tutugon sa gender-differentiated needs at iba pang public health concern ng mga babae partikular ang mga kabataan sa panahon ng emergencies at disasters.

Ang Senate Bill 2088 o ang proposed Gender Responsive and Inclusive Pandemic Management Act of 2021 ay inihain nina Senador Risa Hontiveros, Nancy Binay, Pia Cayetano, Leila de Lima, Imee Marcos, Grace Poe at Cynthia Villar sa araw mismo ng pagdiriwang ng International Women’s Day nitong Lunes.

Sa kanya namang privilege speech sa pag-eendorso ng panukala, ipinaliwanag ni Hontiveros na kabilang sa mga pangunahing laban ng mga babae ay ang gender-related violence, economic disempowerment, ang wala sa oras na pagbubuntis dahil sa kawalan nang maayos na serbisyong kalusugan at human trafficking.

Tinukoy pa ni Hontiveros ang ulat ng Women’s Legal and Human Right Bureau hinggil sa gender-based violence na simula noong July 2020 hanggang February 2021, pinakamalaking bahagi o 34 percent ay mga teenager na may edad 13 hanggang 18 habang 30 percent ay 19 hanggang 25-anyos.

“Nang unang magpataw ng lockdown, na syang itinuturing na isa sa pinakamahigpit sa buong mundo, may malinaw na pagtaas ng bilang ng gender-based violence. Bakit? Dahil ang ilang mga babae ay naging bantay-sarado na ng kanilang mga abuser. Bakit ulit? Dahil work-from-home ang mga empleyado at distance learning ang mga kabataan,”diin pa ng senador.

Binigyang-diin pa ni Hontiveros na maging ang online sexual abuse ay lumala dahil halos lahat ay naging netizens na at maging mga chat apps kagaya ng Telegram ay ginagamit para sa palitan ng ga nude photos.

“Minsan nga ay business na ito. Nabalitaan namin ang tinatawag nilang “Team Lapagan” – o lapagan ng mga maseselang larawan ng mga kababaihan. Ang laman nito ay kadalasang mga kuha ng kanilang mga karelasyon o dating karelasyon,” giit ng senadora. (DANG SAMSON-GARCIA)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment