(NI ABBY MENDOZA)
INIREKLAMO ng mga hindi nagpakilalang abogado ng Public Attorney’s Office ( PAO) si PAO Chief Persida Acosta at PAO forensics chief Dr. Erwin Erfe na ginagamit ang isyu ng dengvaxia para sa korapsyon.
Sa manifestation na isinumite sa Office of the Ombudsman ng mga hindi nagpakilalang PAO lawyers, sinabi nito na sina Acosta at Erfe, kasabwat ang dalawang accountants ni Acosta na sina Lira Hosea Suangco at Maveric Sales, ay gumagawa ng purchase orders para makakuha ng dagdag na pondo sa ahensiya.
“Respondent Acosta has ordered her cohorts to edit, revise and antedate PAO’s purchase requests, purchase orders, procurement forms, memoranda, and other documentation in order to make it seem legitimate and to justify the diversion of the PAO’s budget to the Dengvaxia victims,” nakasaad sa manifestation.
Mismong pondo rin umano ng PAO ang ginagamit sa pagbili ng tarpaulins, t-shirts at kabaong na ginagamit sa rally kontra sa dengvaxia.
Humihingi umano ng dagdag na pondo para sa dengvaxia isyu at sa oras na ma-release ito ay ibubulsa umano ng grupo.
Ang manifestation ng hindi nagpakilalang mga abogado ng PAO ay bilang pagsuporta sa nauna nang inireklamo sa Ombudsman ng isang Atty. Wilfredo Garrido Jr na humihiling din na suspendihin ang dalawa dahil sa korapsyon.
“The funds that were intended for the purchase of office supplies were never used for its intended purpose. (PAO) did not purchase new stock. Instead, (PAO) still rationed the excess supplies of 2017.
The use of purchase orders or requests is one of the schemes that respondent Acosta is able to obtain extra funds from the PAO budget,” nakasaad pa sa manifestation.
Hiniling ng mga abogado na gamitin ng Ombudsman ang hurisdiksyon nito para maimbestigahan sina Acosta at Erfe.
Nang hingan ng reaksyon tinawag na propaganda ni Acosta ang nasabing manifestation at bahagi lamang umano ito ng paninira sa kanya ng mga taong may interes sa pagbabalik ng dengvaxia vaccine.
205