Para walang diskriminasyon ‘NO VAX, NO LABAS’ GAWING NATIONWIDE

(CHRISTIAN DALE/JESSE KABEL)

KUMBINSIDO si Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na mas makabubuting hindi lamang sa ilang lugar sa bansa partikular sa National Capital Region (NCR) maipatupad ang “no bakuna, no labas” policy kundi gawin din ito sa buong bansa.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Concepcion na natutuwa siya at nagkaroon ng ngipin ang polisiya ng pamahalaan para maprotektahan ang mga hindi bakunado.

Magkagayon man ay mas maganda sana aniyang i-aplay na ito sa buong bansa upang hindi ma-discriminate o pagkaitan ng karapatan ang mga unvaccinated dahil sa nais lang aniyang maiiwas ng pamahalaan na sila’y makapitan ng virus.

Malinaw naman ani Concepcion na ang mga naoospital ay ang mga hindi bakunado.

Hindi aniya kakayanin ng granular lockdown kapag puno na ang mga ospital kaya’t mabuting naisip ng MMDA ang polisiya na huwag palabasin ang mga hindi bakunado.

Nauna nang nagbabala ang Department of Health (DOH) na maaaring maging dominant ang Omicron variant ng COVID-19 sa bansa sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo.

Bagaman Delta varian pa ang sinasabing dominante ay ipinapalagay ni Health spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire na nasa komunidad na ang Omicron variant.

Nabatid na nakapagtala na ang bansa ng 11 import cases ng Omicron variant kung saan siyam ay returning overseas Filipino workers; dalawa ang foreign nationals habang tatlo ang local.

Muli ring napabilang ang Pilipinas bilang “high risk” para sa COVID-19 kasunod ng matinding pagtaas ng kaso nitong mga nakaraang araw.

Sinabi ni Vergeire na ang pagtaas ng positivity rate ay nakita sa lahat ng rehiyon ng bansa.

Aniya, nasa high risk classification na ang bansa mula sa low risk case class noong nakaraang linggo, na nagpapakita ng positibong dalawang linggong growth rate sa 222% at isang moderate risk average daily attack rate sa 1.07 cases para sa bawat 100,000 indibidwal.

Alert Level 3

Samantala, inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF), nitong Lunes ang rekomendasyon ng kanilang sub-Technical Working Group on Data Analytics na itaas ang Bulacan, Cavite, at Rizal sa Alert Level 3.

Sinabi ni acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, epektibo ngayong araw, Enero 5 hanggang Enero 15, 2022 ang alert level 3 sa mga nasabing lalawigan.

Ang National Capital Region (NCR) ay isinailalim sa Alert Level 3 mula ika-3 hanggang ika-15 ng Enero dahil sa biglaang pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 kasabay ng banta ng mas nakahahawang Omicron variant.

Sa ilalim ng Alert Level 3, ang mga establisimyento ay papayagang mag-operate ng 30 percent indoor capacity sa mga fully vaccinated individuals at 50 percent sa mga outdoor venue capacity basta ang mga empleyado ay fully vaccinated na.

Pinagbabawalan naman ang face-to-face classes, contact sports, peryahan at casinos.

Ang mga trabaho naman sa gobyerno ay limitado sa 60 percent sa kanilang on site capacity.

Positivity
rate, tumaas

Muli namang pumalo ang positivity rate ng COVID-19 sa NCR.

Nitong Lunes, naitala sa 34.7 porsyento ang positivity rate sa Metro Manila, base sa datos ng OCTA Research Group.

Ang DOH ay nakapagtala ng dagdag na bilang ng mga pasyente sa 4,084 kaya sa kabuuan ay umaabot na sa 2,855,819 ang mga dinapuan ng COVID-19 sa bansa.

May nadagdag namang 497 sa mga gumaling na sa kabuuan ay umaabot na sa 2,779,241.

Habang ang mga nasawi ay nadagdagan ng 16 kaya ang death toll sa bansa ay ay umaabot na sa 51,586.

Granular lockdown

Bunsod ng muling pagsipa ng kaso ng COVID-19 ay nadagdagan din ang mga lugar na nasa granular lockdown.

Sa datos ng Philippine National Police (PNP), aabot sa 23 lugar sa bansa ang naka-granular lockdown ngayon mula sa 16 na barangay.

Ang mga lugar na ito ay nasa National Capital Region (NCR), MIMAROPA at Cordillera.

Mula sa nasabing bilang, 28 sa mga ito ay mga kabahayan na binubuo ng 73 indibidwal na pinagbabawalan munang lumabas ng bahay para maiwasang kumalat ang virus.

Muli namang nanawagan ang PNP sa mga residenteng nakapailalim sa granular lockdown na huwag maging pasaway, sumunod sa health protocols at ugaliing maging malinis sa katawan at kapaligiran.

129

Related posts

Leave a Comment