Parang walang gobyerno – solon INFLATION RATE PAPALO SA 8.5%

MAGPAPATULOY ang pagtaas ng inflation rate, babala ng isang kongresista matapos lumabas ang datos hinggil sa estado ng ekonomiya ng bansang Pilipinas.

Paniwala ni House Ways and Means Committee chair Rep. Joey Salceda, posibleng pumalo sa record-high 8.5% ang inflation rate na indikasyon ng patuloy na pagbagsak ng halaga ng piso kontra sa umiiral na presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.

“As I emphasized in August, inflation could peak to 8.5% this year,” ani Salceda kaugnay ng 8.0% inflation rate – pinakamataas sa nakalipas na 14 taon – na inilabas ng Philippine Statistic Authority (PSA) para sa buwan ng Nobyembre.

Isinisi ng mambabatas ang pagtaas ng inflation rate sa pagsipa ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng pagkain, feeds ng mga livestocks at gasolina.

Labis rin aniyang nakakaapekto sa inflation rate ang paglakas ng dolyar kaya kahit nagtaas na ng interest rate ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay hindi pa rin naresolba ang problema sa supply ng pagkain.

Pangamba pa ng militanteng mambabatas, walang indikasyon na titigil ang pagsirit ng inflation rate sa bansa – gayundin ang giit na umento sa sahod ng mga manggagawang Pilipino.

Ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, hindi ramdam ang presensya ng gobyerno sa patuloy na pagtaas ng presyo dahil mistulang dedma ang mga ito sa panawagan ng mamamayan na itaas ang kanilang sahod.

“Ngayong umabot na sa 8% ang inflation ngayong Nobyembre at tumataas ang presyo ng bilihin, inaasahan ng mga Pilipino na didinggin ng pamahalaan ang kanilang panawagan na agad na itaas ang sahod sa buong bansa,” ani Brosas. (BERNARD TAGUINOD)

131

Related posts

Leave a Comment