(NI JG TUMBADO)
MAGLALABAS pa umano ng 82 pangalan sa narco politician list sa mga susunod na araw.
Ang pagkakaroon ng part two sa narco list ay sa dahilang tinatrabaho pang mabuti ang kilos ng mga politikong sangkot sa illegal na droga.
Ang 82 ay kasama na umano sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ngunit minabuting huwag munang banggitin hangga’t hindi pa tapos ang balidasyon.
Samantala, ibabase naman ng Philippine National Police (PNP) ang susunod na aksyon sa magiging resulta ng gagawing imbestigasyon ng Ombudsman kaugnay sa isinampang reklamo laban sa mga itinuturong sangkot.
Dati nang itinanggi ng ilang mga sangkot gaya nina San Rafael, Bulacan Mayor Cipriano Violago, House Committee on Constitutional Amendments chair Representative Vicente Veloso ng Leyte, at ang mag-ama na bagong napasama sa listahan na sina Zambales 1st District Representative Jeffrey Khonghun at Subic, Zambales Mayor Jefferson Khonghun, na umanoy biktima lamang sila ng maruming taktika ng kalaban nila sa pulitika.
Nagbabala ang mga ito na kakasuhan ang mga nasa likod ng paglalagay sa kanila sa listahan kapag hindi nila ito napatunayan sa korte.
141