(NI ABBY MENDOZA/PHOTO BY LUCAS LUKE)
BILANG pagsiguro na nananatili silang solido, isang loyalty check ang isinagawa ng Partylist Coalition sa kanilang mga miyembro.
Lumabas naman sa isinagawang loyalty check na 54 partylist members ang nanatiling kaanib ng partylist.
Ang loyalty check ay isinagawa mismo ng tanggapan ni 1-Pacman Rep at Party-list Coalition Foundation Inc (PCFI) president Mikee Romero matapos may 13 partylist members ang sumanib sa National Unity Party (NUP), isa sa major political organizations sa bansa.
“To save off any attempts to involve the party-lists in any political realignments in the House of Representatives, the 54 members of the Party-list Coalition Foundation Inc have reaffirmed their commitment to remain with the coalition,” pahayag ni Romero kung saan inilabas din nito sa media ang manifesto kung saan lumagda ng kanilang suporta ang 54 partylist groups.
Ipinaliwanag ni ACT-CIS Rep Rowena Taduran na in-adopt lamang sila bilang miyembro ng NUP subalit nanatili ang kanilang membership sa PCFI.
Ngayong nagkaroon ng over the bakod sa mga partido ay hawak na ngayon ng NUP ang pangalawa sa may pinakamaraming miyembro na nasa 57 habang ikatlo na lang ang PCFI na may 54 miyembro.
Samantala, sinabi ni House Majority Leader Martin Romualdez na hindi maaaring pigilan ang pag-over the bakod ng mga miyembro ng Kamara sa ibang partido.
Aniya, bahagi ito ng demokrasya at karapatan na pumili ng iba.
“Kung hindi na masaya sa dating kinabibilangang partido o may ibang politikal na interes na ipinupursige at sa tingin ng kongreista mas maganda na umanib sa iba ay karapatan nya ito”paliwanag ni Romualdez.
Giit pa nito na hanggang walang batas o regulasyon na magbabawal sa paglipat-partido ng politiko, hindi makokontrol ang pagtawid ng ilang mga mambabatas.
286