(NI ABBY MENDOZA)
HANDA ang Partylist Coalition Foundation Onc(PCFI) na suportahan ang inendorsong House Speaker ni Pangulong Rodrigo Duterte, partikular ang term sharing sa pagitan nina Taguig Rep. Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Sa isang press conference matapos ang pulong ng Partylist Coalition sa Marco Polo Hotel sa Ortigas, sinabi ni PCFI President at 1Pacman Partylist Rep. Mikee Romero na sa ngayon ay suportado na nila si Cayetano bilang susunod na House Speaker.
Nanindigan din si Romero na magkakaroon ng bloc voting ng 54-man coalition sa pagbubukas ng 18th Congress sa July 22 at ang iboboto ng kanilang hanay ay ang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi nito na magpapadala sila ng liham kay Rep. Cayetano upang hingin ang 20% committee allocation para sa partylist group.
Kabilang umano rito ang mga komite na hinawakan ng partylist noong 17th Congress.
Unang inihayag ni Pangulong Duterte ang desisyon nya na magkaroon ng term sharing sa House Speakership, ang unang 15 buwan ay pamumunuan ni Cayetano habang ang susunod na 21 buwan ay kay Velasco.
Samantala, umapela din si Romero kina Cayetano at Velasco na huwag nang baguhin ang chairmanship sa mga komite kahit pa man dalawa ang uupong Speaker.
Ani Romero, mahihirapan lamang ang buong Kamara sa kanilang legislative agenda kapag babaguhin pa ang committee chairmanship sa oras na magkaroon na ng transition sa pagitan ng dalawang Speaker.
“For us congressmen, kami lahat, we like to make it consistent at possible,” ani Romero.
Maganda aniya kung gawing consistent lamang ang mga nakaupong chair sa 75 komite sa loob ng tatlong taon para sa matiwasay na trabaho sa kapulungan.
Nauna nang sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na nakakaranas ng delay ang organization sa Kamara dahil sa speakership issue.
Kaunting oras na lamang aniya ang nalalabing oras bago mag convene ang 18th Congress.
174