Parusa sa ‘di magsusuot ng face mask MAGHAPONG PAGLILINISIN SA KALSADA

MAGHAPONG paglilinisin sa kalsada ang sinomang mahuhuli na walang suot na face mask bilang bahagi ng ipatutupad na protocol sa new normal o better norm habang wala pang gamot sa coronavirus disease 2019.

Habang isinusulat ang balitang ito ay nakasalang pa sa ikalawang pagbasa ang House Bill (HB) 6632 o “Better Normal’ bill matapos itong aprubahan ng House Defeat COVID-19 committee na pinamumunuan ni House majority leader Martin Romualdez sa online hearing, Huwebes ng umaga.

Base sa nasabing panukala, mahigpit na ipatutupad ang pagsusuot ng face mask sa lahat ng lugar, lalo na sa mga commercial establishment, transport system, mga opisina sa pribado at pampublikong sektor.

Sa Section 8 (b) ng nasabing panukala, lahat ng mga taong walang suot na face mask ay agad na iisyuhan ng mga otoridad ng citization tickets na ang katumbas na parusa ay isang libong pisong (P1,000) multa.

Kung walang pambayad ang mahuhuling indibidwal na lalabag sa nasabing protocol ay paglilinisin siya sa kalsada.

Mahigpit ding ipatutupad ang social distancing lalo na sa mga nabanggit na lugar kung saan ang mga may-ari o opisyales ng mga establisimyento at tanggapan ng gobyerno at maging sa pribadong sektor ay parurusahan kapag hindi ito natupad.

Maaari silang makulong ng hanggang dalawang buwan o multang P50,000 o kaya pareho. BERNARD TAGUINOD

62

Related posts

Leave a Comment