PASAWAY NA DRIVER I-VIDEO N’YO — LTFRB

(NI KIKO CUETO)

NAGPAALALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa publiko na videohan ang mga pasaway na taxi driver na mangongontrata ngayong Pasko hanggang Bagong Taon.

Kabilang na riyan ang mga namimili ng pasahero na taxi driver.

Paliwanag ng LTFRB, dapat isumbong ng mga pasahero ang mga mapagsamantalang tsuper.

“Para po sa mga pasahero natin, lalo na ngayong Christmas season, advice po namin sa kanila sa mga kasong ‘pag sumasakay sila ng taxi at hindi sila sinasakay o minsan nangongontrata, kunin lang nila ‘yung pangalan ng taxi, plate number,” pahayag ni Director Joel Bolano, hepe ng LTFRB Technical Division.

Sinabi ni Bolano na mayroon silang social media accounts at hotline number na puwedeng ma-access o matawagan ng publiko para maipaabot ang kanilang mga reklamo laban sa mga abusadong taxi driver.

“Pag nakuha natin ‘yun automatic nating pinapatawag ‘yung operator at driver ng taxi na ‘yun,” sabi ni Bolano.

Kung nakasakay na sa taxi mangyari ang paglabag ng mga driver, payo ni Bolano na i-video o kunan ng larawan gamit ang mga smartphone para maging pruweba sa ginagawang ilegal na gawain.

“May smartphones naman po tayo para po doon sa ebidensiya… makuhanan po sana natin ng video o photo para mas madali natin silang makuha,” sabi niya.

Taong 2016 nang unang inilunsad ang Oplan Isnabero na layong protektahan ang mga pasahero sa mga taxi driver na hindi sumusunod sa mga panuntunan na nakasaad sa kanilang prangkisa tulad ng tamang paggamit ng metro, safety regulations, fare change, pagsuot ng ID at pagbabawal na tumanggi sa mga pasahero.

Maaring mapatawan ng P5,000 multa ang mga tatangging magsakay ng pasahero o mahuhuling nangongontrata, ayon kay Bolano.

164

Related posts

Leave a Comment