PATAS NA IMBESTIGASYON SA ‘OVERPRICED’ PPE, MAGANAP KAYA?

MAGANAP kaya ang panawagan ni Senador Franklin Drilon na imbestigasyong “patas” at “walang kinikilingan” hinggil sa binili ng Department of Health (DOH) na umano’y “overpriced” personnel protective equipments (PPEs).

Ang pananaw ni Drilon ay may kinalaman sa pagsalo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa anomang pagkukulang o paglabag sa batas na nagawa ng DOH na pinamumunuan ni Dr. Francisco Duque III hinggil sa ‘napakamahal’ na PPEs.

Sa kanyang ulat sa Kongreso nitong Mayo 25 hinggil sa kalagayan ng P275 bilyong pondong itinakda ng Bayanihan to Heal as One Law para ipambili ng mga kagamitan laban sa coronavirus disease-2019 (COVID-19) at pondo sa Social Amelioration Program (SAP) para sa 18 milyong pinakamahihirap na mga pamilyang Filipino, inako ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “pananagutan” ni Duque sa ‘napakataas’ na presyo ng mga PPE.

Ipinag-utos ng Bayanihan Law kay Duterte na mag-ulat ito sa Kongreso tuwing Lunes ukol sa nangyayari sa P275 bilyon pondo.

Sabi ni Duterte: “I would listen to Sec. Duque, but I gave him the instruction, and I admit it in public now, sabi ko sa kaniya, ‘do everything you can…I do not care. If it’s not cheap, it is expensive, go, just go ahead and do something about it kasi ipit na tayo dito (because we are in a bind).”

“So, gusto ko lang malaman ng sambayanang Pilipino na I take full responsibility, na ang utos ko na dalian mo, wala akong pakialam kung saan ka magkuha, magnakaw ka, and I remember saying it. I do not care whether you go and steal, borrow or kill a person to get what needs to be done,” patuloy ng pangulo.

Wika ni Drilon: “I call for a fair and impartial investigation despite the President’s pronouncement.”

Magsasagawa ng kanya-kanyang imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) at Senate Committee on Health hinggil sa “overpriced” na PPEs at iba pang produktong may kinalaman sa COVID-19.

“These are taxpayers’ money we’re talking about here – to the tune of billions of pesos getting wasted due to corruption or gross negligence,” giit ni Drilon.

Bukod kay Drilon, sina Senadora Leila de Lim at Senador Panfilo Lacson ay binatikos din si Duque hinggil sa nakikita nilang korapsyon sa pagbili ng mga PPE at COVID-19 testing machines at swabbing kits.

Binanatan ni De Lima ang patuloy na korapsyon sa DOH makaraang naglabasan sa media na ang presyo ng PPE mula China ay P1,800 kada isa, samantalang P400 ang presyo bawat isa kung sa Pilipinas binili ang mga ito.

“While the country’s coffers are quickly drying up, while the health sector is struggling to hold the line, here is the DOH surrounded with corruption allegations yet again. Bakit natin kailangan bumili ng napakamahal na mga PPE from China samantalang marami nang naiulat na mga produkto ng China na depektibo at mapanganib?,” ratsada ni De Lima sa DOH.

Kinuwestyon naman ni Lacson ang pagbili ng DOH ng COVID-19 testing machines at swabbing kits na ang presyo ay higit doble sa mga binibili ng pribadong kumpanya.

Ang tinutukoy ni Lacson ay ang P4 milyong halaga ng makina, samantalang P1.4 milyon ang bili ng isang pribadong kumpanya. NELSON S. BADILLA

92

Related posts

Leave a Comment