PAUTANG SA PAALIS NA OFW ISINUSULONG

OFWs-12

(NI NOEL ABUEL)

ISINUSULONG sa Senado ang pagpapautang sa mga aalis na overseas Filipino workers (OFWs) na naglalayong matulungan ang pamilyang maiiwanan ng mga ito.

Sinabi ni Senador Bong Revilla, Jr. na malaki ang maitutulong ng credit assistance program na naglalayong pagaanin ang sitwasyong pinansiyal ng mga OFWs at pamilya nito.

Ayon kay Revilla, inihain nito ang Senate Bill No. 801 na naglalayong makatulong sa pamilya ng mga OFW na kaaalis pa lamang at hindi pa nakakatikim ng suweldo sa loob ng unang tatlong buwan.

Pangunahing kailangan lamang umano ng isang OFW na nais pakinabangan ang credit assistance program ay ang kaniyang valid contract na sertipikado ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA).

Maaari nang manghiram ang kuwalipikadong OFW ng P50,000 mula sa Overseas Workers Welfare Adiministration (OWWA) at dapat bayaran sa loob ng 12 buwan at hindi lalampas sa 24 buwan na may 6 porsiyentong interest rate per anum.

Idinagdag pa ng senador na ang mahihiram na pera ay malaking tulong para sa mga OFW na malaki ang ginastos sa placement fee bago nakaalis at pandagdag gastusin para sa pamilya dahil hindi kaagad nakakasuweldo ang mga ito sa loob ng tatlong buwan.

Base sa datos ng Philippine Statistics Office (PSA), umaabot sa 2.3 milyong OFW ang nagpapadala ng kabuuang P235.9 bilyong remittances at nahahati ito sa tatlong klase– cash sent home (P169.4 billion), cash brought home (P55.2 billion), at remittance in kind (P11.2 billion).

Nasa 96.2 porsiyento rin umano ng OFWs ay may kasalukuyang kontrata sa trabaho mula Abril hanggang  Septyembre 2018, habang 3.8 porsiyento naman ang nagtatrabaho sa ibang bansa nang walang kontrata.

406

Related posts

Leave a Comment