(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI kailangang magseminar o magtraining ang mga baguhan sa Legislatura partikular na sa Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso para matutunan ang kanilang pinasok na trabaho.
Ito ang payo ni Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon sa mga baguhang senador at congressmen na sasabak sa paggawa ng batas simula sa ikatlong Lunes ng Hulyo 2019.
Ayon kay Biazon, mas nakabubuti aniya sa mga first time legislators ang pagbabasa ng Konstitusyon at mga libro sa paggawa ng batas para magabayan sila kung paano ang pagsasagawa ng mga pagpupulong, pagdedesisyon kung anong batas ang kanilang isusulong.
Ginawa ng mambabatas ang payo matapos ang pahayag ni Senator-elect Ronald “Bato” Dela Rosa na handa itong sumailalim sa seminar at training matapos manalo sa katatapos na senatorial race.
Sinabi ni Biazon na kung magaling ang pang-unawa ng isang tao sa Konstitusyon at maging sa mga libro na may kaugnayan sa paggawa ng batas ay sapat na aniyang preparasyon sa kanilang sasabakang trabaho.
Pinayuhan din ng mambabatas ang mga baguhang mambabatas na hindi lang sa dami ng panukalang batas at resolusyon nasusukat ang performance ng isang solon kundi ang partisipasyon nito sa bawat deliberasyon ng isang panukala.
May mga mambabatas aniya na kakaunti lamang ang inihaing panukala at resolusyon subalit mahusay umano ito sa interpelasyon, debate at introduction of amendments sa pinag-uusapang panukala, hindi lamang sa Committee hearing kundi sa plenaryo ng Kamara.
121