PCC, LTFRB PINAIIMBESTIGAHAN SA KAWALAN NG PARUSA SA GRAB PH

PINAIIMBESTIGAHAN ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa House committee on transportation ang Philippine Competition Commission (PCC) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa kabiguan ng mga ito na ipatupad ang ipinataw nilang parusa sa Grab Philippines.

Base sa House Resolution (HB) 860 na inakda ni Brosas, nais nitong pagpaliwanagin ang dalawang nabanggit na regulatory office kung bakit hindi nila kayang ipatupad ang kanila mismong kautusan sa Grab Philippines kaugnay ng isyu sa overpricing.

“Ilang taon nang hindi ipinatutupad ng Grab Philippines ang refund order, bakit passive pa rin ang PCC at ang LTFRB sa usapin na ito? Dapat na patawan na ng karagdagang multa ang kumpanya at igiit ng mga ahensya ang regulatory functions nila,” ani Brosas.

Sinabi ng mambabatas, na unang inatasan ng PCC ang nasabing transport network company (NTC) na irefund ang halaga ng P5.05 million noong December 2019 at karagdagang P6.25 million noong October 2020.

Ginawa ng PCC ang kautusan matapos mabigo ang Grab Philippines na tuparin ang kasunduan sa singil sa pasahe nang payagan ng komisyon ang mga ito na bilhin ang Uber noong 2018.

“Grab Philippines has been using all sorts of alibi to evade compliance to the PCC order, including the supposed lack of GrabPay wallet of its customers. The supposed P6 million constitute a tiny fraction of its superprofits. Dapat na i-release na ito sa Grab customers,” ayon sa mambabatas.

Kailangan din aniyang alamin kung bakit hanggang ngayon ay wala pang desisyon ang LTFRB sa isyu ng overcharging ng Grab Philippines noong December 2022 kung saan nagpataw ng P85 ang riders ng mga ito sa maiksing biyahe lamang. (BERNARD TAGUINOD)

44

Related posts

Leave a Comment