(BERNARD TAGUINOD)
MISTULANG natutulog sa “sibuyasan” ang Philippine Competition Commission (PCC) dahil hindi nila nagawa ang tungkulin na sugpuin ang kartel na nagdudulot ng labis na pagtaas ng presyo ng sibuyas sa bansa.
Sa kanyang House Resolution (HR) 681 na nag-aatas sa House committees on economic affairs at committee on trade and industry na imbestigahan ang posibleng kartel sa sibuyas, pinuna ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang PCC sa hindi pag-aksyon sa nasabing problema.
Ipinaliwanag ng mambabatas na itinatag ang Republic Act (RA) 10667 o Philippine Competition Act (PCA) para labanan ang kartel na siyang ugat ng hindi maayos na kumpetisyon sa lahat ng industriya.
“The PCA prohibits anti-competitive agreement and abuse of dominant position in order to promote free and fair competition and prevent economic concentration that will unduly stifle competition, lessen, manipulate or constrict the discipline of free market,” ayon sa resolusyon ni Quimbo.
Gayunpaman, hindi agad nagsagawa ng imbestigasyon ang PCC para alamin ang dahilan ng pagtaas ng sibuyas gayung ikatlong bahagi ng 2022 pa nagsimulang tumaas ang presyo nito hanggang sa umabot sa P720 kada kilo nito noong Disyembre.
Dahil dito, kabilang ang PCC sa mga ipatatawag sa imbestigasyon ng Kamara sa mga susunod na araw.
Maging ang Department of Agriculture (DA) ay hindi rin umano kumilos agad gayung sila mismo ay aminado na posibleng kartel ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng sibuyas.
“Whereas price manipulation, hoarding, and smuggling are suspected by the DA as factor driving the high price of onions,” ayon pa sa resolusyon ni Quimbo.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez na hindi malabong may nangyayaring kartel dahil kahit bumaba na ang farm gate price ng sibuyas ay napakataas pa rin ng presyo nito sa mga pamilihan.
Tiniyak naman ni Estoperez na tuloy-tuloy ang pagbabantay ng ahensya katuwang ang Bureau of Customs laban sa smuggling ng sibuyas.
Balak din aniya ng DA na hingin ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) para mahuli ang mga ilegal na nagbebenta ng sibuyas online.
