PANSAMANTALANG nabulag ang mga crew ng Philippine Coast Guard (PCG) na nasa military rotation and resupply mission sa Ayungin Shoal matapos tamaan ng laser mula sa China vessel.
Nangyari ang insidente noong nakaraang Lunes, Pebrero 6.
Kinondena naman sa mababang kapulungan ng Kongreso ang naturang pag-atake ng China.
Ayon kay House deputy minority leader France Castro, hindi lang diplomatic protest ang dapat gawin ng gobyerno upang masiguro na hindi na ito mauulit sa mga susunod na panahon.
“Based on account of the Philippine Coast Guard (PCG) a Chinese coast guard ship directed a “military-grade” laser at one of its vessels, putting the Filipino crew in danger last week. This is highly condemnable,” ani Castro.
Nabatid na naglalayag ang tropa ng coast guard sakay ng BRP Malapascua upang maghatid ng supply sa puwersa ng Philippine Navy na naka-deploy sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Nagdulot ng temporary blindness sa crew ang pagkakasilaw sa laser.
“The Chinese vessel also made dangerous maneuvers by approaching about 150 yards from the vessel’s starboard side,” iniulat pa ng PCG.
Dahil dito, inirekomenda ng mambabatas ang pagkakaroon ng joint patrol kasama ang mga bansang claimant sa Spratly Islands tulad ng Vietnam, Malaysia, Indonesia, Brunei at Taiwan.
Naniniwala ang mambabatas na sa pamamagitan nito ay mababawasan ang tensyon sa WPS o sa South China Sea sa kabuuan dahil inaasahan na hindi na babalewalain muli ng China ang ihahaing diplomatic protest.
Nagbabala rin sa Castro na huwag gamitin ang nasabing insidente para makatwiran ang karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites ng Amerika sa Pilipinas o kaya ang isinusulong na Visiting Forces Agreement (VFA) sa Japan dahil tiyak na pagmumulan aniya ito ng mas matinding tensyon sa rehiyon.
“We need to de-escalate the tension and demilitarize the West Philippine Sea (WPS) instead of further heightening it. Joint patrols and international pressure are the peaceful yet assertive ways to defend our territory, military agreements will just exacerbate the current situation,” ayon pa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD/JESSE KABEL RUIZ)
