PDU30 MAKIKIISA SA VIRTUAL CONFERENCE NG ASEAN LEADERS

duterte32

KINUMPIRMA ng Malakanyang na sasali at makikiisa si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang mga kapwa lider sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa virtual conference sa June 26 na ang tatayong host ay ang Vietnam.

“Kinukumpirma ko po na dadalo po [si President Duterte] dahil ito po ay online meeting ng Asean,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Magdaraos sana ang ASEAN leaders ng kanilang 36th annual summit noong Abril ng taong kasalukuyan subalit ipinagpaliban ito dahil sa global threat na bitbit ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Mayroon ding panukala mula sa Vietnam, chairman ngayong taon ng 10-man regional bloc, na magdaos ng 36th Asean summit sa Hanoi sa Hunyo 27 at 28.

Sa kabilang dako, ang pinal na desisyon ay ang magdaos ng virtual summit sa Hunyo 26 dahil nananatili pa ring banta sa rehiyon ang COVID- 19 pandemic.

Sinabi ni Sec. Roque na wala siyang maibabahagi kung ano ang magiging paksa o mapag-uusapan sa virtual meeting ni Pangulong Duterte sa kanyang mga kapwa ASEAN leaders.

“Next week pa naman po iyan, siguro po pupwede nating isapubliko yung agenda ng iba’t ibang mga ASEAN meeting ,” aniya pa rin.

Ang mga ASEAN leader ay ilang beses nang nagsagawa ng virtual meetings sa kanilang dialogue partners sa pagsisikap na magbalangkas ng estratehiya para malagpasan ang COVID-19 crisis na sumakal sa rehiyon.

Bukod sa Pilipinas at Vietnam, ang iba pang ASEAN members ay kinabibilangan ng Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, at Thailand.

Ang Indonesia ang may pinakamataas na bilang ng COVID-19 infections sa hanay ng ASEAN member-states, dahil mayroon itong 41,341 cases.

Sinundan ito ng Singapore (41,216), Pilipinas (27,238), Malaysia (8,515), Thailand (3,135), Vietnam (335), Myanmar (262), Brunei (141), Cambodia (126), at Laos (19). CHRISTIAN DALE

66

Related posts

Leave a Comment