PDU30 MANGANGALAP NG OPINYON UKOL SA ANTI-TERRORISM BILL

NGAYONG linggo ay inaasahan nang makatatanggap si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng mga opinyon mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan hinggil sa legalidad ng batas na naglalayong palakasin ang anti-terrorism campaign ng bansa.

Sa ngayon, tanging ang Department of Justice at ang Office of the Chief Presidential Legal Counsel pa lang ang nagpadala ng kanilang komento hinggil sa kontrobersiyal na batas, na sinertipikahan naman ni Pangulong Duterte bilang urgent.

Inaasahan naman na magbibigay ng legal opinion ang Office of the Executive Secretary.

“Hindi ko po alam kung talagang nabasa na niya [Duterte] nang buong-buo [ang anti-terror bill] kasi inaantay po natin ‘yung mga inputs,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

“By this week, maipipresenta na ang bill itself at ang mga rekomendasyon ng iba’t ibang ahensya kay Presidente,” dagdag na pahayag nito.

Sa ulat, nagbabala ang United Nations High Commissioner for Human Rights na maaring pahinain ng nasabing panukala ang human rights safeguards dahil sa pagpapalawak ng depenisyon ng terorismo at pagpapalawig sa panahon ng warrantless detention.

Nagsagawa rin ng kilos protesta ang ilang grupo sa Quezon City para kondenahin ang anti-terrorism bill.

Ayon kay Mong Palatino ng Bayan-Metro Manila, isa umano itong instrumento ng pananakot, panunupil at panggigipit.

Sinabi naman ni Kilusang Mayo Uno chairperson Elmer Labog na hindi sila mapipigilan ng anti-terrorism bill para ipaglaban ang mga karapatan ng mga manggagawa na higit na naghihirap ngayong may pandemya.

Giit naman ni League of Filipino Students national spokesperson Kara Taggaoa, mass testing ang panawagan nila at hindi umano mass terror. CHRISTIAN DALE

195

Related posts

Leave a Comment