PDU30 PAGOD; NO SHOW SA NAT’L HEROES DAY EVENT

duterte33

(NI BETH JULIAN)

DAHIL hindi gaanong maganda ang pakiramdam, hindi nakadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa paggunita ng National Heroes Day Lunes ng umaga sa Libingan ng mga Bayani.

Pero pagkatapos makapagpahinga ng ilang oras ay tumulak ang Pangulo sa Calbayog City  base sa pagkumpirma ni Senator Bong Go.

Ayon kay Go, bibisita ang Pangulo sa mga naiwang kaanak ng dalawang sundalo na namatay sa engkwentro nitong nakaraang Biyernes sa Calbayog.

Ang dalawang sundalo na sina 2nd Lt. Geroe Jade Nicor at Coporal Joel Canico na kapwa kasapi ng 43rd Infantry Battalion, ay nasawi matapos makipagbakbakan sa mga rebeldeng NPA.

Katwiran ni Go, ang pagbisita ng Pangulo ay maituturing pa ring bahagi ng paggunita sa Araw ng mga Bayani lalo’t maituturing na kabayanihan ang pagbubuwis ng buhay ng mga nasawing sundalo para sa bayan.

Kasabay nito, nananawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Filipino na pagnilayan ang kasaysayan at bigyan parangal ang mga bayani na matapang na nakikipaglaban para sa kalayaan at demokrasyang nagsilbing pundasyon ng bansa.

Sa bahagi ng mensahe ng Pangulo sa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng mga Bayani, na binasa ni House Speaker Peter Alan Cayetano, binigyan diin nito na ang sama-samang  sakripisyo ng mga bayani ang nagbigay ng pagkakataon para sa tinatamasang kalayaan at patuloy na nagpalakas sa bansa.

Kinilala umano ng gobyerno ang kabayanihan ng mga bayani, hindi lamang sa pagtatayo ng mga estatwa  kungdi sa pagpapahusay ng kapakanan ng mga mahihirap.

Hinamon ng Pangulo ang bawat Filipino na maging bayani kada araw sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan lalo na sa mga napabayaan ng lipunan.

Hinimok din ng Pangulo ang bawat isa na magkaisa at ituloy ang mga positibong pagbabago hindi lamang para sa sarili kungdi maging sa susunod pang henerasyon.

105

Related posts

Leave a Comment